On
Itinatag ang Academia Militar de Malolos noong Oktubre 25, 1898.


Habang binubuo ng ating bansa ang bagong Republika, nakita ni Pangulong Emilio Aguinaldo ang kahalagahan ng pagkakaroon ng mga propesyonal na mga sundalo ng hukbong sandatahan upang ipagtanggol ang ating bansa. Kaya sa araw na ito, Oktubre 25, noong 1898, sa bisa ng isang kautusang ipinatupad ni Pangulong Aguinaldo, itinatag niya ang Academia Militar de Malolos sa lungsod ng Malolos, Bulacan, sa rekomendasyon ng itinalagang Director dela Guerra na si Heneral Antonio Luna.


Ito ay kauna-unahang paaralang pangmilitar na binuo sa Pilipinas, na layong magturo at sanayin ang mga nagnanais na maging propesyonal na sundalo sa hukbong sandatahan.


Itinatag ang paaralang ito sa kumbento ng simbahan ng Barasoain sa Malolos, Bulacan. Si Tinyente Manuel Sityar, ang dating opisyal ng Guardia Civil na lumipat sa panig ng mga rebolusyonaryo, ang naging unang direktor ng nasabing paaralan.


Mga agham pangmilitar gaya ng regulasyon sa field at garison, kodigo penal at katarungang militar, arithmetic at military accounting, geography at history, field fortifications, at map drawing at reading ang bumubuo sa kurikulum ng nasabing akademiya.


Unang nagbukas ang klase nito noong unang araw ng Nobyembre, ngunit napiligang isara noong ika-20 ng Enero sa sumunod na taon dahil sa tumitinding tensyon sa pagitan ng Pilipinas at Estados Unidos. Muling binuhay noong 1905 ang nasabing akademiya nang itatag ito upang magsanay ng mga kasapi ng Philippine Constabulary, at inilipat ito sa lungsod ng Baguio noong 1908.


Ang Academia Militar de Malolos ang naging ninuno ng nag-iisang paaralang pangmilitar sa ating bansa, ang Philippine Military Academy.


Sanggunian:
• The Kahimyang Project (n.d.). Today in Philippine history, October 25, 1898, the Academia Militar was established in Malolos, Bulacan by General Emilio Aguinaldo. https://kahimyang.com/kauswagan/articles/1318/today-in-philippine-history-october-25-1898-the-academia-militar-was-established-in-malolos-bulacan-by-general-emilio-aguinaldo


Mungkahing Basahin: