Anselmo Jorge de Fajardo
Malimit ihambing ang kaniyang panulat sa tagumpay ni Francisco Balagtas sa pagsulat ng komedya.
Obra maestra niya ang komedyang Comedia Heroica de la Conquista de Granada, o Sea Vida de Don Gonzalo de Cordoba llamado El Gran Capitan (Isang Pambayaning Komedya hinggil sa Pagsakop sa Granada o tungkol sa Buhay ni Don Gonzalo de Cordoba na tinaguriang Ang Dakilang Kapitan). Ito na yata ang pinakamahabàng naisulat na komedya sa bansa.
Sa pagkalimbag, binubuo ito ng 31,000 linya sa 832 pahina ng tatlong tomong libro na kumakatawan sa tatlong jornada (hor·ná·da, literal na “tatlong araw na paglalakbay” ngunit sa komedya ay tatlong yugto). Itinanghal ito nang pitong gabi sa Bacolor noong Pebrero 1831.
Ipinanganak si Anselmo Jorge Pajardo sa Bacolor, Pampanga sa isang mariwasang pamilya noong 1785.
Nag-aral siya sa Unibersidad ng Santo Tomas ng teolohiya at naging pari. Naglingkod siyang diputado o kinatawan sa Cortes sa Cadiz sa mga unang dekada ng ika-19 siglo.
Sinasabing naisulat niya ang Don Gonzalo de Cordoba habang naglilibot sa Cordoba, Toledo, at Granada.
Ang totoong si Gonzalo de Cordoba (1453-1515) ay heneral sa hukbo ni Reyna Isabela at isa sa mga nanguna upang mabawi ang Granada mula sa pitong dantaong pananakop ng mga Morong Muslim. Ngunit dinagdagan ni Padre Fajardo at binago ang mga pangyayari sa buhay ng Dakilang Kapitan.
- Una, ipinasok ni Padre Fajardo ang pag-iibigan nina Don Gonzalo at Zulema, anak na prinsesa ni Haring Muley Hassem.
- Ikalawa, ipinasok ang kontrabidang si Boabdil, anak ni Muley Hassem at sakim sa kapangyarihan.
- Ikatlo, ang pag-ibig ni Boabdil sa pinsang si Zoraida na nang lumaon ay naging kasintahan ni Conde de Lara, kaibigang matalik ni Don Gonzalo.
Ang agawan sa pag-ibig at korona sa kaharian ni Muley Hassem ang higit na naging sanhi ng pag-agaw ni Don Gonzalo sa Granada. Kapag sinuri pa, maaaring ihambing ang balangkas nito sa Orosman at Zafira ni Balagtas.
Pinagmulan: NCCA official | Flickr
Mungkahing Basahin:
No Comment to " Anselmo Jorge de Fajardo "