Ano ang cortes?


Ang Cortes o Cortes Generales ang batasan ng Espanya. Binubuo ito ng dalawang kapulungan: ang Congreso de los Diputados na mababang kapulungan at Senado de España na mataas na kapulungan.


Mayroon itong kapangyarihang gumawa ng batas at baguhin ang konstitusyon. May kapangyarihan ang mababang kapulungan na kumpirmahin o alisin sa puwesto ang Punong Ministro.


Nagsimula ang sistema ng Cortes noong Edad Medya bilang bahagi ng feudalismo. Naging tagapayo ito ng hari at binubuo ng mga panginoong malalapit sa kaniya.


Ang Cortes ng Leon noong 1188 AD ang unang parlamentong grupo sa Europa. May kapangyarihan ang hari na buuin at buwagin ang Cortes ngunit mas napapasailalim siya sa kapangyarihan ng Cortes dahil hawak nito ang hukbo at salapi ng kaharian.


Noong siglo 12, naging makapangyarihan ang negosyo ng mga burgesya o panggitnang uri kaya ginawa silang kinatawan ng mga lungsod sa Cortes upang makakuha ng salapi para maipagpatuloy ng monarka ang Reconquista o pananakop. Dahil dito, mas lumakas ang kapangyarihan ng Cortes na salungatin ang mga desisyon ng hari.


Noong siglo 15, ginawang makapangyarihan muli nina Isabella I ng Castilla at Fernando II ng Aragon ang monarka.


Noong panahon ng imperyalismo, bagaman naging sunod-sunuran ang Cortes sa mga desisyon ng hari, hawak pa rin nito ang kapangyarihan ng pananalapi. Naitatag ang Cadiz Cortes bilang gobyernong destiyero nang sakupin ni Napoleon Bonaparte ng Pransiya ang Espanya noong Digmaang Peninsular mula 1808 hanggang 1814.


Matapos patalsikin ang monarkiya noong 1873, nagkaroon ng Restorasyon noong 1874. Naging monarkiyang konstitusyunal ang Espanya at naging sunod-sunuran ang hari sa Cortes.


Noong 1810, pinahintulutan ng pamahalaang Espanya ang Filipinas na magkaroon ng upuan sa Cortes. Sa ilalim ng Cadiz Cortes, naging kaugalian na ang magkaroon ng representasyon ng Filipinas dito.


Sina Pedro Perez de Tagle at Dr. Jose Manuel Couto ang naging kinatawan ng Filipinas sa Cortes noong 1810. Si Don Ventura de los Reyes, isang insular, naman ay naging kinatawan noong 1811. Isa siyá sa mga pumirma ng Konstitusyong Cadiz ng 1812 na nagwakas ng Kalakalang Galeon at ng malupit na pamamalakad nitó sa Filipinas noong 14 Setyembre 1813.


Tatlong beses nairepresenta ang Filipinas sa Cortes noong 1810-1813, 1820-1823, at 1833-1837. Subalit noong 1837, sa ilalim ng Liberal Cortes, inalis ang representasyon at idineklarang magkakaroon ng espesyal na batas ang mga kolonya ng Espanya. Ang nawalang representasyon ang ipinaglaban ng grupong La Solidaridad sa Espanya simula noong 13 Disyembre 1888.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr