Ang dagat ay isang malaking lawas ng tubigang maalat na karaniwang konektado sa karagatan ngunit mas maliit kaysa rito.


Sa Ingles, ang dagat ay sea at ang karagatan ay ocean. Kung minsan, ang “dágat” at ang “karagatán” ay nagagamit na magkasingkahulugan. Ngunit maaari ding ang dagat ay tila isang malaking lawa ng tubigang maalat, tulad ng Dagat Caspian, na walang natural na lagusan. Ang Arktika at Antartika ay mga dagat na namumuong yelo kung taglamig.


Ninais tawirin ng tao ang mga dagat mula noong panahong sinauna. Mga taga-Ehipto at taga-Phoenicia ang unang tumawid ng Dagat Mediteraneo at Dagat Pula. May mga nakasulat na salaysay hinggil sa paglalakbay ng mga abenturero at komersiyante na nakatawid mulang Gitnang Silangan at nakarating sa Timog-Silangang Asia. Sa ganoong paraan din nakarating sa Filipinas ang mga mangangalakal mulang India at Tsina.


Samantala, pagkaraang maglaho ang mga lupaing-tulay, nakarating sa Filipinas ang mga ninunong Asyano ng Filipino sa pamamagitan ng paglalakbay-dagat. May haka na ang wika sa Asia at Pasipiko na may iisang pamilya ay bunga ng pangyayaring nagmula ang mga ito sa iisang ninunong nagparoon at parito sa mga lupain sa paligid ng Asia at Pasipiko sa pamamagitan ng paglalakbay-dagat.


Sa Pilipinas, karaniwang matatagpuan ang mga dagat sa iba’t ibang lugar sa Bisayas at Mindanao na siya ring pangunahing pinagmumulan ng kabuhayan ng mga naninirahan doon.


Ang Pilipinas ay naliligid ng apat na dagat: ang Dagat Timog Tsina (South China Sea) na nasa kanlurang bahagi; Dagat Sulu (Sulu Sea) sa timog, Dagat Selebes (Celebes Sea) sa silangan, at Dagat ng Pilipinas (Philippine Sea) sa hilaga.


Ang mga dagat na nakapaligid sa Pilipinas ay konektado sa pinakamalaking karagatan sa buong mundo, ang Karagatang Pasipiko (Pacific Ocean). Sa Pilipinas din matatagpuan ang isa sa pinakamalalim na bahagi ng karagatan sa buong mundo, ang Philippine Deep. Ang Philippine Deep ay matatagpuan sa silangan ng Mindanao.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: