Ang lupaing-tulay ay tumutukoy sa mga lupaing nagkabit sa Pilipinas sa ibang bahagi ng Timog Silangang Asia, sa kontinental na Asia, at pati na rin sa kontinente ng Australia.


Lumantad ang nasabing mga lupaing-tulay noong bumaba ang level ng dagat nang 100 metro noong Panahong Pleistocene, mga 400,000 hanggang 500,000 taon na ang nakalipas.


Sinasabi na ang hilagang Luzon noon ay konektado sa Taiwan, ang Mindanao ay nakakabit sa Myanmar, Malaysia at Java, hábang magkadugtong ang mga lupain ng Palawan at Borneo.


Ang nasabing mga lupaing-tulay ang nagbigay-daan sa pagdating ng mga hayop at mga grupo ng sinaunang tao mula sa ibang lugar sa kasalukuyang Pilipinas.


Ito daw ang dahilan ng pagkadiskubre ng mga labí ng estegodon sa Mindanao, elepante sa Iloilo at Pangasinan, rhinoceros sa Cagayan, at usa sa iba’t ibang bahagi ng bansa na nabubuhay rin sa ibang bahagi ng Asia noong panahong Pleistocene.


Ayon sa antropologong si Otley Beyer, ang mga sinaunang tao ng Filipinas at mga grupo ng Negrito ay nakarating din sa bansa sa pamamagitan ng paglalakbay sa mga lupaing-tulay.


Nang muling tumaas ang level ng tubig sa karagatan bunga ng pagtaas ng pandaigdigang temperatura pagkaraan ng daan-libong taon ay muling nalubog ang mga lupaing-tulay at tuluyang nahiwalay ang Pilipinas sa kontinente ng Asia.


Pinagmulan: NCCA official | Flickr


Mungkahing Basahin: