Ang Taong Tabon ay tumutukoy sa bao ng bungo ng isa sa pinakamatandang tao sa Filipinas na pinaniniwalaang isang babae.


Nahukay ang kaniyang labí noong 1962 ng mga kinatawan mula sa Pambansang Museo ng Filipinas sa pangunguna ni Robert Fox. Si Taong Tabon ay isang Homo sapiens sapiens o “Modernong Tao” na may gulang na tinatáyang 20,000 taon. Isa siya sa mga sinaunang tao na nakarating sa kapuluan sa pamamagitan ng mga tulay na lupa.


Bukod sa bungo, natagpuan din ang panga, ngipin, at binti ng tao sa kuweba ng Tabon sa Lipoon Point, Palawan.


Mahalaga ang kuweba sa pag-unawa sa sinaunang kalinangang Filipino. Ipinangalan ito sa ibong “tabon” o Megapode at naglalaman ng mayamang ebidensiya ng nakaraang pamumuhay sa lugar.


Kasma sa mga nakita sa arkeolohikong paghuhukay mula 1962 hanggang 1970 ang mga kasangkapang bato na pinaniniwalaang ginamit sa pangangalap at paghahanda ng pagkain na karaniwang ibon, paniki, baboy, at usa.


Sa ibang bahagi ng kuweba natagpuan ang mga banga at palayok na may iba’t ibang hugis, laki, at disenyo na naglalarawan ng kasanayan at kamalayan ng mga katutubo.


Batay sa mga nahukay na mga materyal na labí, nanahan ang mga sinaunang tao sa mahaba at magkakaibang panahon sa kuweba mahigit 20,000 taon na ang nakalilipas.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: