Bao
Noong araw, ginagamit ang kalahating bao na pansalok ng tubig at baso para sa inumin o tuba. Maraming gamit sa lipunang Filipino ang bao ng niyog. Ang buong bao ay ginagawang alkansiya o instrumentong pangmusika na tila marakas. Ang kalahating bao ay ginagamit ding hulmahan ng matamis-sa-bao, panotsa, at ibang kakanin. Samantala, ang kahit kapirasong bao ay kinikinis upang gawing kutsara, botones, at mga laruan.
May timpalak na karera sa bao o kadang-kadang. Ang magkapares na kalahating bao ay nilalagyan ng hawakang tali at tinatapakan sa karera. Sa radyo noong araw, dalawang bao ang ginagamit upang lumikha ng tunog ng tumatakbong kabayo.Maraming kasangkapan ang nayayari mula sa bao. Tulad din ng pangyayaring mga baong nakakabit sa katawan at hawak magkabilang kamay ng mananayaw ang tampok sa sayaw na maglalatik.
Dinudurog naman ang bao upang maging isang sangkap sa mga produkto ng skin exfoliation. Sinusunog din ito upang maging uling. At mula sa uling, napagmumulan ito ng activated carbon na siyang mabisang ginagamit sa puripikasyon ng likido o gas at pampaalis ng kulay at amoy.
Sa Ilocos, ang bao na nilagyan ng diket na pinatungan ng liningta nga itlog, o kalahating nilagang itlog, ay bahagi ng ritwal na tinatawag na niniyogan. Ang ritwal ay alay sa mga yumaong kamag-anak at ninuno. Sinasabayan ito ng palagip o dasal para sa mga namatay.
Kaugnay nito ang tawag na “bao” sa namatayan ng asawa o balo. Marahil, ikinokompara ang nangungulilang biyudo o biyuda sa isang bao ng niyog na “walang-laman” ang puso’t isip dahil sa namatay na “kabiyak”, muli isang talinghaga na hango sa biniyak na báo ng niyog.
Pinagmulan: NCCA official | Flickr
Mungkahing Basahin:
No Comment to " Bao "