Kopra
Pinatuyong laman ng niyog ang kopra na pinagmumulan ng iba’t ibang produkto sa Pilipinas. Pangunahin dito ang langis ng niyog na ginagamit sa paggawa ng gamot, sabon, gomang sintetiko, at margarina.
Tinatayang nasa 90 porsiyento ng produksiyon ng niyog sa Pilipinas ay mula sa kopra at langis ng niyog. Mula rin sa kopra ang coconut cake na ginagamit na pataba sa lupa at pagkain ng hayop. Pangunahing mula sa Filipinas ang tinatayang 500,000 tonelada ng kopra na iniaangkat ng Kanluraning Europa.
Isa sa pinakaunang paraan ng paggawa ng kopra ang pagbibilad ng hinating niyog. Putîng kopra ang bunga ng ganitong paraan ng pagpapatuyo. Bagaman may mga magkokoprang gumagamit pa rin ng proseso ng pagbibilad, mas karaniwan na ngayon ang pagamit ng pugon. Bukod sa ligtas ang kopra sa ulan at iba pang elemento, mas mabilis ang prosesong ito.
Isa pang paraan ng paggawa ng kopra ay ang pagamit ng makinang may mainit na hangin. Tinatawag ang prosesong ito na hot-air drying at nagbubunga ng mas de-kalidad na putîng kopra. Ayon sa mga eksperto, mainam ang pagpapatuyo sa kopra kung nasa 4 hanggang 5 porsiyento ang tubig nito at may 60 hanggang 70 porsiyento ang langis.
Nag-ugat ang kopra sa terminong Hindi na khopra na nangangahulugang “niyog.” Ito ay kalibkíb at lukad sa Tagalog, kupag sa Iloko, at língkad sa Aklanon.
Pinagmulan: NCCA Official | Flickr
Mungkahing Basahin:
No Comment to " Kopra "