Ang Langis
Maraming uri ang langis ayon sa gamit nito. Ang kilalang uri na tinatawag na “petrolyo” ang pinakamahalagang uri ng langis na komersiyal. Mula sa petrolyo ang langis na nagpapatakbo ng maraming makina na gamit ng tao sa pang-araw-araw na gawain, katulad ng mga sasakyan, mga makina sa industriya, at iba pa.
Ang uri ng langis na ito ay inaangkat pa ng pamahalaan at mga negosyante mula sa ibang bansa kung kaya nagiging dahilan ng paiba-ibang presyo. May malaking deposito nito ang lupain sa Gitnang Silangan at kaya siyang pangunahing pinagkukunan ng yaman ng mga bansa sa bahaging iyon ng daigdig. Ito rin ang pangunahing yaman ng Malaysia at Sabah kompara sa ibang bansang Asean.
Ang mga langis na kinatas mula sa mga halaman ay karaniwang gamit sa paggawa ng maraming produkto na pangkalusugan at pangkosmetik.
Halimbawa, ang virgin coconut oil ay sinasabing mabisang gamot sa maraming sakit. Ito rin ay popular nang gamit pampaganda. Ang matandang tradisyon na gamit ang langis ng mga halaman ay ang pagpapahid ng langis ng mga arbularyo.
Ginagamit ang langis sa panghihilot ng pilay at masasakit na kalamnan ng katawan. Ipinapahid din ang langis kalakip ang ibang sangkap sa panggagamot ng kulam at sakit na dulot ng maligno. Isang tradisyonal na langis ang may bendisyon ng pari at milagrosong nakagagamot ng kahit anong sakit kayâ tinatawag na “sánto oleó,” o “banal na langis.”
Ang pangngalan na “paglalangís” ay salitâng binuo mula salitang-ugat na “langis” at may literal na kahulugang “paglalagay o pagpapahid ng langis.” Subalit sa matalinghagang gamit ngayon, may negatibo itong kahulugan. Nangangahulugan ito ng paggamit ng mga paraan ng pagsuyo, gaya ng pagpuri, pagbibigay ng regalo, at katulad, upang mapasang-ayon ang isang tao sa ninanais mangyari o ninanais makuha.
Pinagmulan: NCCA Official | Flickr
Mungkahing Basahin:
No Comment to " Ang Langis "