Ang hilot ay ang tradisyonal na paraan ng panggagamot sa Pilipinas.


Bahagi nito ang paghagod o pagmasahe sa mga kasukasuan para mapasigla ang sirkulasyon ng dugo, mapaginhawa ang pagod na kalamnan, o di kaya’y malunasan ang anumang uri ng pilay.


Bagaman walang pormal na kasanayan sa siyensiyang pangmedisina ang mga manghihilot, maraming Filipino ang naniniwala sa bisa ng hilot upang lunasan ang anumang karamdaman.


Praktikal na alternatibo ito sa panggagamot ng mga doktor na nagpakadalubhasa sa kanluraning medisina lalo’t karaniwang walang ospital o malayo sa mga sentrong pangkalusugan ang karamihan sa mga mamamayang Filipino.


Kung may ospital naman, hindi sila makapagpagamot dahil walang sapat na pambayad. Gayunman, mayroong mga pagkakataong negatibo ang turing sa hilot dahil bumabangga ito sa interes ng komersiyal at Kanluraning medisina.


Karaniwan ding tinatawag na hilot ang mga komadronang nagpapaanak sa kababaihan at tumutulong sa pangangalaga ng mga sanggol.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: