Sa ilalim ng mga batas ng Pilipinas, ang banyaga (alien sa Ingles) ay tao na hindi mamamayan ng Filipinas at dumayo o pumasok sa teritoryo ng bansa.


Kung may layuning dumalaw o magliwaliw ang isang dayuhan, kailangan niyang kumuha ng pahintulot sa embahada o konsulado ng Pilipinas sa kaniyang bansa.


Tinatawag na visa ang naturang pahintulot. Ituturing siyang panauhin ng bansa at bibigyan ng mga karapatang nauukol sa isang bumibisitang tao sa isang bansa sa ilalim ng mga kasunduang pandaigdig.


May karapatan naman ang Pilipinas na ipatapon, o ipabalik sa pinagmulang bansa, at ipabilanggo ang isang banyaga na napatunayang lumabag sa mga batas. Itinuturing ang banyagang pinatalsik na di-kanais-nais na tao, o persona non grata, at hindi na maaaring bumalik sa Pilipinas.


Kung may layuning maging mamamayan ng Pilipinas, ang banyaga ay maaaring mag-aplay ng naturalisasyon. Itinatakda ng mga batas sa inmigrasyon ang mga kahingian upang maging naturalisado ang isang banyaga, kabilang ang tagal ng paninirahan sa Filipinas, pag-aasawa ng isang mamamayan ng Pilipinas, pag-aaral ng wika ng bansa, at iba pa.


Nanunumpa ng katapatan sa watawat at pamahalaan ng Filipinas ang isang banyaga bago maging naturalisado.


Sa kabilang dako, ang naturalisadong mamamayan ay nagkakaroon ng mga karapatang kapantay ng isang isinilang na mamamayan ng Pilipinas, maliban sa ilang karapatang gaya ng pagkandidato bilang Pangulo ng bansa.