Gerardo de Leon: Pambansang Alagad ng Sining
Isa siyang premyadong direktor, aktor, at doktor ng medisina. Pamana niya sa pelikulang Filipino ang mga klasikong tulad ng Sisa (1951); Noli Me Tangere (1961); El Filibusterismo (1962); at, Daigdig ng mga Api (1965).
Para sa kaniya, ang husay ng pagsalaysay sa pamamagitan ng mga imahen ay sukat ng husay ng pelikula. Nagsimula siyang maging direktor sa mga pelikulang, Bahay Kubo (1938) at Ama’t Anak (1939). Dahil sa Ikalawang Digmaang Pandaigdig, nahinto siya sa paggawa ng pelikula, naging direktor sa teatro at nagbalik sa pagiging doktor.
Pagkatapos ng digmaan nagpatuloy siya sa paglikha ng pelikula at nag-ambag ng mga hiyas sa industriya, gaya ng Sawa sa Lumang Simboryo (1952); Banga ni Zimadar (1953); Dyesebel (1953); Pedro Penduko (1954); Sanda Wong (1955); Kamay ni Cain (1957); Bakya Mo Neneng (1957); Ako ang Katarungan (1962); at Kulay Dugo (1964). Gumawa rin siya ng mga pelikula kasama ang batikang direktor na si Eddie Romero para itanghal sa ibang bansa.
Ginawaran siyang pinakamahusay na direktor ng Maria Clara Award para sa pelikulang Kamay ni Satanas (1950). Kasama siya sa Hall of Fame ng Film Academy of Movie Arts and Sciences dahil sa mahigit na limang ulit na nagkamit ng parangal ng FAMAS para sa Direktor at sa iba pang mga kategorya ng Gawad FAMAS. Nagkamit siya sa Asian Film Festival sa Singapore ng pinakamahusay na direktor ng taon dahil sa pelikulang Ifugao (1954).
Isinilang siya noong 12 Setyembre 1913 sa pamilyang nasa teatro. Ama niya ang bantog na direktor ng sarsuwela na si Hermogenes Ilagan at ina si Casiana de Leon na isa namang mang-aawit.
Si de Leon at ang kaniyang asawa na si Fely Vallejo ay may isang anak na babae, si Maria Fe, na napangasawa ni Ronaldo Valdez at ina ng aktor at mang-aawit na si Janno Gibbs. Nag-aral siya at nagtapos ng medisina sa Unibersidad ng Santo Tomas habang nag-aartista, at naging ikaanim pa na pinakamataas sa pagsusulit para sa mga doktor.
Pinagmulan: NCCA Official | Flickr
Mungkahing Basahin:
No Comment to " Gerardo de Leon: Pambansang Alagad ng Sining "