Salvador F. Bernal
Iginawad sa kaniya ang Pambansang Alagad ng Sining para sa Disenyong Panteatro noong 2003.
Nakagawa siya ng mahigit sa 300 orihinal na disenyong pamproduksiyon, set, at kasuotan para sa entablado, teatro, sayaw,at musical, at sa pelikula mula pa noong 1969.
Ang kaniyang mga obra ay nagpahusay sa mga pagtatanghal ng Dulaang UP, Tanghalang Ateneo, Tanghalang Pilipino, Philippine Ballet Theater, Ballet Philippines, Musical Theater Philippines, Opera Guild of the Philippines, at sa mga pelikulang (para sa mga kasuotan ng panahon) Aguila; Oro, Plata, Mata; Gumising Ka Maruja.
Nagtampok , nakatuklas, at nagpamalay siya ng gamit para sa disenyo at produksiyon ng mga lokal na materyales, gaya kawayan, abaka (hibla at lubid), burlap, ratan, at katsa.
Nag-eksperimento rin siya sa mga materyales, gaya ng klarong plastik na bolpen para gawing chandelier. Natunghayan ang talinong Bernal sa mga set, kasuotan, at disenyong pamproduksiyon ng mga hindi malilimutang mga pagtatanghal, gaya sa Francisco Maniago (1987, Tanghalang Pilipino), Lysistrata (1988, Tanghalang Pilipino), Walang Sugat (1991, Tanghalang Pilipino), Noli Me Tangere (1995, Tanghalang Pilipino); Tales of the Manuvu (1974, Ballet Philippines), Engkantada (1991, Ballet Philippines); sa musikal: Oliver (1978), Ang Palabas ay Bukas (1979); sa drama: Larawan (1978), Cat on a Hot Tin Roof (1980), at marami pang iba.
Si Bernal ay ipinanganak noong 7 Enero 1945 at ikalima sa sampung supling nina Santiago Bernal at Ubalda Floro.
Nagtapos siya ng hayskul sa Dagupan City High School at nagkolehiyo sa Ateneo de Manila (1962-1966). Nalimbag sa Heights, magasin pampanitikan ng Ateneo, at nagkamit ng mga gawad ang kaniyang mga tula. Nagtapos siya ng pilosopiya noong 1966 ng may mga gawad at nagkamit ng Mulry Award para sa malikhaing pagsulat.
Mula 1966 hanggang 1970 ay nagturo siya ng Ingles sa Ateneo. Naging direktor siya ng ilang mga dula para sa Ateneo Drama Group.
Nagtapos si Bernal noong 1973 ng Masters sa Fine Arts sa Northwestern University sa Chicago, Illinois, bilang Fullbright-Hays grantee.
Si Bernal ay naging residenteng tagadisenyo ng mga produksiyon ng Ballet Philippines (1975-1990) at ng Sentrong Pangkultura ng Pilipinas (1987-1989); at direktor para sa Sentro ng Disenyong Pamproduksiyon ng Sentrong Pangkultura ng Pilipinas (1990-1994).
Sa pamamagitan ng kaniyang mga programa sa Sentro ng Disenyo at sa mga klase na tinuturuan sa Unibersidad ng Pilipinas at sa Ateneo, nabahagihan niya ng kaniyang talento ang ang mga bagong henerasyon ng tagadisenyo sa teatro.
Pinagmulan: NCCA Official | Flickr
Mungkahing Basahin:
No Comment to " Salvador F. Bernal "