Sino si Francisco Sionil Jose?


Francisco Sionil Jose ang buong pangalan, si F. Sionil Jose (Ef Si·yo·níl Ho·sé) ay isang peryodista, manunulat ng nobela, maikling kuwento, sanaysay, at iba pa. Kabílang siyá sa mga pangunahing manunulat na Filipino sa wikang Ingles. Iginawad sa kaniya ang Pambansang Alagad ng Sining para sa Panitikan noong 2001.


May-akda siyá ng mga nobelang tinawag niyang “ Land of the Morning:The Rosales Saga,” binubuo ng limang nobela na sumasaklaw sa may tatlong siglo ng kasaysayan ng Filipinas na mula panahon ng kolonyalismong Espanyol noong dekada 1880 hanggang sa dekada 1970 sa unang mga taon ng diktadurang Marcos.


Ang Rosales Saga ay binubuo ng mga nobelang: Po-on (1984); Tree (1978); My Brother, My Executioner (1979); The Pretenders (1962); at, Mass (1982). Ilan sa kaniyang aklat ng maikling kuwento ay ang The God Stealer And Other Stories (1968); Waywaya, Eleven Filipino Short Stories (1986); Platinum, Ten Filipino Stories (1983); Olvidon and Other Short Stories (1988); at ang The Molave and The Orchid and Other Children’s Stories (2004).


Isinilang siyá noong 3 Disyembre 1924 sa Cabuwagan, Rosales, Pangasinan at panganay sa tatlong magkakapatid. Itinaguyod siyá ng kaniyang masipag na inang si Sofia Sionil. Nagsimulang sumulat si Jose sa The Varsitarian, pahayagan ng mga estudyante sa Unibersidad ng Santo Tomas na pinagtapusan niya ng Batsilyer sa Sining sa Literatura noong 1949.


Noong 1948 naging katulong na patnugot siyá ng United States Information Agency ng Embahada ng Estados Unidos. Naging editor din siyá sa Manila Times Sunday Magazine, Manila Times Annual Progress, at Asia Magazine sa Hong Kong. Mula 1962 hanggang 1964 ay opisyal siyá sa impormasyon ng Colombo Plan Headquarters sa Ceylon. Itinatag ni Jose noong 1958 ang chapter sa Filipinas ng PEN, internasyonal na organisasyon ng mga manunulat, at naging matagal na pambansang kalihim siyá nitó.


Kabílang sa mga fellowship na nakamit ni Jose ay mula sa Kagawaran ng Estado ng Estados Unidos, ang Smith-Mundt Leader Grant (1955); mga Asia Foundation Grant (1955 at 1960); Rockefeller Foundation (1979 at 1993); Japan Foundation Fellowship noong 1993, at iba pa.


Ginawaran siya noong 1980 ng Gawad Ramon Magsaysay para sa peryodismo, literatura, at malikhaing komunikasyon.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: