Si Carlos V. Francisco (kár·los vi fran·sís·ko) (4 Nobyembre 1914—31 Marso 1969) ay kinilalang Pambansang Alagad ng Sining sa Pintura noong 1973.


Mas kilala siya sa pangalang Botong, isa siya sa bumubuo ng triumvirato ng modernismo na nagpabago sa larangan ng sining sa Filipinas noong namamayani ang impluwensiya ni Amorsolo.


Kasama rin siya sa mga nagtatag ng Thirteen Moderns noong 1938 at nagpaunlad at nagtaguyod ng mga likhang mural.


Ang mga obra niya ay nagtampok ng mga makabagong hulagway ng mga Filipino, mula sa kanilang mga kaugalian at pagdiriwang (Musikong Bumbong, Bayanihan, Fiesta, Sandugo at Moriones Unmasked) hanggang sa mga pangkaraniwang tanawin at gawain sa kanilang kapaligiran (Planting Corn, Rice Threshers, Siesta Under the Mango Tree,at Lost in the Forest).


Ngunit hindi tulad ng kay Amorsolo, ang mga likha ni Francisco ay higit na nagtampok ng disenyo at ritmo, makabagong idyoma sa pamamagitan ng matitingkad na kulay ng karaniwang tao at pakurbang linyang nagpapanagpo at pumupuno sa bawat espasyo.


Paborito niyang paksa ang mga mangingisada dahil na rin sa kinalakhan niyang lugar na pangunahing umaasa sa kasaganaang nagmumula sa lawa.


Una siyang tumanggap ng karangalan para sa kaniyang likhang Fiesta in Angono noong 1944. Ngunit ang kaniyang Kaingin, na nagtamo ng unang gantimpala sa kauna-unahang National Art Exhibition ng Art Association of the Philippines na ginanap sa National Museum noong 1948 ang nagluklok sa kaniya bilang iginagalang at nangungunang alagad ng sining ng bansa.


Bilang mahusay na muralist, ang dingding ng mga kilalang institusyon ay nagsilbing malaking kambas para sa sining ni Francisco. Ilan sa pinakatanyag niyang likha ay ang History of Medicine para sa Philippine General Hospital; Bayanihan para sa Philippine Bank of Commerce; paglalarawan sa buhay ni Sto. Domingo para sa Simbahan ng Sto. Domingo; at Stations of the Cross para sa Far Eastern University Chapel.


Ang ginamit na gahiganteng mural (88 metro ang taas at 8 metro ang lapad) sa entrada ng kauna-unahang International Fair na inilunsad ng Filipinas noong 1953 ay si Francisco rin ang may gawa sa kabila ng napakarami ring tanyag na muralist na kapanahon niya.


Patunay lamang ito sa taas ng paggalang at paghanga kay Francisco. Maituturing na pangunahing obra ni Francisco ay ang mural para sa Bulwagang Katipunan ng Manila City Hall na may pamagat na Filipino Struggles Through History (kalaunan ay tinawag na Maharnilad) na nagtatampok sa kasaysayan ng Maynila mula sa panahon ng mga Raha hanggang sa panahon ng pananakop ng mga Amerikano.


Nahahati sa maliliit na bahagi ang mga yugto sa kasaysayan na tinatahi ng mga hulagway na nagpapakita ng pagkakaugnay-ugnay ng mga ito. Sa pinakaubod, paglalarawan na rin ito ng kasaysayan ng bansa.


Isinilang si Francisco sa Angono, Rizal sa mag-asawang Felipe Francisco at Maria Vilaluz.


Ikinasal siya kay Rosalina at nagkaroon sila ng tatlong supling. Nagtapos siya sa School of Fine Arts ng Unibersidad ng Pilipinas. Sinasabing ang tawag na Botong ay mula sa katawagan sa isa ring popular na karakter sa Carlos V. Francisco Cainta, Rizal na kasing-itim niya ang kulay.


Nagsimula siyang magtrabaho bilang layout artist sa The Philippines Herald at Tribune. Namatay siya sa edad na 57 at inilibing sa kaniyang bayang sinilangan, sa Angono, Rizal. Ang Camote-eaters ang pinakahuli at hindi niya natapos na obra.


Pinagmulan: Kermit Agbas


Mungkahing Basahin: