Si Julian Cruz Balmaceda (Hul·yán Kruz Bal·ma·sé·da) ay bantog na makata, mandudula, nobelista, dalubwika, iskolar, at kritiko.


Isa siya sa mga tagapagtatag ng organisasyong pampanitikan na Aklatang Bayan at ang naging ikalawang pangulo nito. Ang kaniyang saliksik sa panulaang Tagalog na pinamagatang Ang Tatlong Panahon ng Tulang Tagalog noong 1938 ay itinuturing na klasiko.


Isinilang siya noong 28 Enero 1885 sa Udyong, Bataan kina Regino Cruz Balmaseda at Simeona Francisco ng Bacoor, Cavite.


Nag-aral siya sa isang pribadong paaralan ni Procopio Lazaro at sa Escuela de Latinidad ni Hipolito Magsalin. Nakapagtapos siya ng sekundarya sa Cavite at kumuha ng mga kurso sa Colegio de San Juan de Letran at Escuela de Derecho.


Nagkaroon siya ng iba’t ibang posisyon sa gobyerno:

  • municipal clerk sa Bacoor noong 1902;
  • municipal teacher sa Bacoor noong 1905;
  • principal teacher sa Caridad, Cavite noong 1905;
  • clerk sa Insular Treasurer’s Office noong 1906-1909;
  • agent and field manager ng Bureau of Commerce noong 1936-1938; at
  • assistant at acting director ng Institute of National Language mula 1938 hanggang 1947.


Isinulat niya ang una niyang dula, Ang Buhay ni Cordente o Ang Sugat ng Puso noong 1899.


Ang ilan pang dula na naisulat niya ay

  • Sapote (1906),
  • Lunas at Lakas (1908),
  • Tikbalang (1908),
  • Ang Budhi ng Manggagawa (1913) na ginawang Sigaw ng Katotohanan (1917),
  • Sa Bunganga ng Pating (1921),
  • Ang Tala sa Kabundukan (1921),
  • Musikang Tagpi-tagpi (1921),
  • Sa Pinto ng Langit (1921),
  • Tulisang Pulpol (1921),
  • Sangkuwaltang Abaka (1922) na ginawang Sino Ba Kayo? (1943),
  • Ang Bagong Kusinero (1927),
  • Ang Piso ni Anita (1928),
  • Kaaway na Lihim (1930),
  • Higanti ng Patay (1943),
  • Ang Palabas ni Suwan (1943), at
  • General Gregorio del Pilar (1944).


Naglathala din siya ng mga maikling kuwento na gaya ng “Hindi Ka Na Alipin,” “Ang Hampas-Lupa,” “Ang Palakol na Ginto,” at “Ang Paraisong Nawawala” at mga nobela na Ang Tahanang Walang Ilaw (1928-1929), Ang Taong Labas (1912), Sa Pinto ng Langit (1922), Ang Tala ng Bodabil (1936-1937) na ginawang pelikula at pinamagatang Himagsikan ng Puso (1938).


Isinalin din niya ang mga nobela ni Leo Tolstoy at Maximo Kalaw, gayundin ang mga sanaysay ni Jose Rizal.


Inilathala niya ang kaniyang unang tula Ang Kinabataan noong 1906 sa Muling Pagsilang.


Noong 1913, ang kaniyang 14 na tulang patriyotiko ay kinolekta sa Ang Bayan ni Plaridel. Noong 1915, inilathala ng Taliba ang kaniyang mga tula mula 1906 hanggang 1910 sa Pangarap Lamang. Noong 1926, kasama niya sina Iñigo Ed Regalado at Benigno Ramos sa balagtasan sa Sampaguita hinggil sa “Alin Ang Mas Mahalaga: Kahapon, Ngayon, o Bukas”. Pinilì siyá ng mga mambabasa bilang pinakamagalíng sa tatlong mambabalagtas. Dalawa sa kaniyang kilaláng tula ay ang “Ang Punong Kahoy” at ang masisteng “Kung Mamili ang Dalaga.”


Namatay siya noong 18 September 1947.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: