Engkantada
Sa katunayan, kahit ang tradisyonal na paglalarawan sa engkantada ay malinaw na hiniram sa imahinasyong Kanluranin.
Ang tinatawag na “Reyna Engkantada” ay isang maputing babae na nagtataglay ng kagandahang Kanluranin, may suot na damit ng diyosang Griyego, may hawak na mahiwagang baton, at malimit na may pakpak na katulad ng pakpak ng tutubi. May angkin itong engkánto, na sa Espanyol ay nangangahulugan din ng mahiwagang kapangyarihan upang bumighani at magpasunod sa sinuman o magdulot ng hindi karaniwang pagpapapalà o sumpa.
Ngunit malaki din ang posibilidad na napasanib ang paghakang engkantada sa katutubong konsepto ng diwata sa Pilipinas.
Magkatulad halos ang gawain ng engkantad at ng diwata; magkatulad din halos ang paglalarawan, bagaman malimit ilarawan ang diwata na may tradisyonal na kasuotang Filipino. Higit ding malinaw ang tungkulin ng diwata na maging bantay at tagapangalaga ng kabundukan, tubigan, bukirin, at mga sagradong pook. Ngunit ang engkantada at diwata ay kapuwa nagkakaloob ng gantimpala sa kabutihan at ng parusa sa kasamaan.
Bilang pang-uri, ang engkantado ay maaaring isang lalaki, isang pook, o isang bagay na mahiwaga. Kinatatakutan halimbawa dahil engkantado ang isang lumang bahay na pinamamahayan ng multo. May engkantadong panyo ang bayaning si Prinsipe Tiñoso na nakapagdudulot ng naisin niya.
Pinagmulan: NCCA Official | Flickr
No Comment to " Engkantada "