Espanyol
Sa Pilipinas, ito rin ang ibig tukuyin ng “Kastilà,” isang katawagang nakamihasnan noon at bunga ng pangyayari na Castilla ang pangunahing rehiyon sa pagbubuklod ng Espanya at ang wikang Castellano ang batayan ng wikang Espanyol. Katulad ito ng pangyayaring may tumutukoy na “Tagalog” sa “Filipino” ngunit dapat iwasan dahil maraming ibang wika at rehiyon sa Filipinas na hindi maaaring katawanin ng Tagalog.
Hanggang noong unang panahon ng mga Amerikano, isa sa mga pangunahing wika sa edukasyon at pamahalaan ang wikang Espanyol. Sa 1935 Kumbensiyong Konstitusyonal, ito at ang wikang Ingles ang opisyal na wika ng talakayan. Noong panahon ng mga Espanyol, ginamit sa Kilusang Propaganda ang wikang Espanyol upang ipahayag ang mga hangaring panreporma. May nasulat ding panitikan sa wikang ito, at pinakatanyag ang mga nobela ni Rizal, gayundin ang mga akda nina Jesus Balmori, Claro M. Recto, Manuel Bernabe, Leon Ma. Guerrero, at marami pang sumikat nitóng bungad ng ika-20 siglo.
Marami ring mga salita at tunog mulang Espanyol na naging bahagi na ng mga wika ng Filipinas. Mapapansin din na ang mga hiram na salita mulang Espanyol ay nasa mga bahagi ng kulturang Filipino na higit na Hispanisado, gaya sa relihiyon (sakramento, kampana, altar, kumpisal, kandila, pari, atbp), kusina (kubyertos, plato, adobo, embutido, prito, gisado, atbp), at kasangkapan (muwebles, silya, mesa, kuwadro, asarol, piko, pala, araro, atbp).
May mga salita na higit pang ginagamit kaysa katumbas na katutubo, gaya ng “pero” sa halip na “ngunit,” “subalit,” at “datapwat.” May mga anyo namang halos napakalayo na sa orihinal na Espanyol, gaya ng “komang” (manco) at “silahis” (celaje+s). Na nagpapatunay lamang sa mayamang pamanang pangkultura sa Pilipinas ng matagal na panahon ng pananakop ng Espanya.
Pinagmulan: NCCA Official | Flickr
No Comment to " Espanyol "