On
Ang embutido ay giniling o tinadtad na karne at hinaluan ng iba’t ibang rekado tulad ng sibuyas, nilagang itlog, pasas, karot, at iba pa, at karaniwang inihuhulma na hugis longganisa at binabalot sa papel na aluminyo.


Tinatawag din itong ground meat roll o ground meat loaf sa labas ng Filipinas. Malapit ito sa pagkaing relyeno (relleno), at kapag maliit, maaari itong tawaging “embutido.”


Ang orihinal na embutido sa Espanya ay tumutukoy sa soriso at mas nalalapit sa ating longganisa.


Patok ang embutido sa mga handaang Pinoy, o kaya sa mga bangkete para sa natatanging okasyong tulad ng Noche Buena at Bagong Taon.


Puwede itong gawin sa bahay o bilhin sa groseri. Masarap ito ihain mainit man o malamig, at laging tinatambalan ng ketsap. Bukod sa karne ng baboy, ginagamit din ang karne ng baka, karne ng manok, at tuna.


Kadalasan ay hinihiwa na ang hugis-longganisang karne bago ihain, para sa madalîng pagkuha ng mga kumakain. Dahil maaari itong itago nang matagal-tagal sa refrigerator pagkatapos gawin, mainam ang embutido para sa mabilisang paghahanda kapag may mga di-inaasahang bisita.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: