On
Ano ang nochebuena at media noche?


Mga espesyal na gabi ang Nochebuena at Media Noche. Ang Nochebuena (Nó·tse bwé·na), mula sa wikang Espanyol na nangangahulugang ‘magandang gabi’ at Media Noche (Méd·ya Nó·tse), mula sa wikang Espanyol na ‘hatinggabi’, ang mga tradisyonal na pagsasalusalo ng pamilya tuwing bisperas ng Pasko at Bagong Taon sa Filipinas.


Nagaganap ito matapos dumalo ng misa. Ilan sa mga inihahanda sa hapag ang letsong baboy o manok, pansit, spaghetti, salad, ham, keso de bola, lumpiya, adobo, ube halaya, bibingka, sorbets, tsokolate, at iba’t ibang prutas.


Dapat na tigib sa ligaya ang Nochebuena dahil pasalubong sa pagsilang ng Mananakop. Ngunit tigib sa lungkot ang katapusang kabanata na “Nochebuena” ng Noli Me Tangere ni Jose Rizal. Sa kabanatang ito, hinabol ni Basilio ang inang nabaliw na pagkaraan ay namatay din. Habang tumatangis, natagpuan siya ni Elias at ipinag-utos na sunugin ang bangkay nilang dalawa ni Sisa; at gayundin, hukayin ang kayamanan (ginto) ng mga Ibarra  at gamitin ito sa kaniyang pag-aaral.


Napakasaya din ang pagsalubong sa Bagong Taon sa Filipinas. Hitik sa paputok ang himpapawid at mga paraan ng pagbati sa isang higit na masaganang taon. Gayunman, hindi inaasahang magarbo ang handang pagkain sa Media Noche. Malimit na may mainit na sopas lamang, aroskaldo, at ilang putahe.


Ang higit na mahalaga ay ang pagkikita at pagsasamasama ng buong pamilya. Kailangan ding tupdin ang mga pamahiin para sa kasaganaan, gaya ng pagsusuot ng damit na may disenyong mga bilog (para sa pera), mga prutas na bilugan, mga bagay na may bilang na siyam ang bawat uri, at marami pa.


Pinagnulan: NCCA Official | Flickr