Nobelang isinulat ni Jose Rizal ang Noli me tangere at nalathala noong 1887 sa Berlin, Germany.


Ang pamagat ay salitang Latin na nangangahulugang “Huwag akong hawakan” (Juan 20-17). Tinutukoy nito ang tila kanser na sakít ng pamahalaan at simbahan na makirot munting di-masalíng. Ipinahahayag nito ang doktrina ng nasyonalismong Filipino at pagbabanyuhay ng sambayanang Filipino.


Sa nobela, nagbalik sa Pilipinas ng pangunahing tauhang si Juan Crisostomo Ibarra mula sa kaniyang pag-aaral sa Europa at naisip magbukas ng makabagong paaralan sa bayan ng San Diego.


Kaugnay nito ang pagbuhay sa pag-ibig sa kababatang si Maria Clara at pag-aalaga sa libingan ng ama. Binigo siya ng magkasanib na lakas ni Padre Damaso, ang lihim na ama ni Maria Clara at lihim na nagpakana upang mamatay sa piitan ang ama ni Ibarra, at ni Padre Salvi, na may lihim na pagnanasa kay Maria Clara.


Sinikap ni Padre Damaso na ipakasal si Maria Clara sa isang Europeo. Nagtatag naman ng isang kunwa-kunwariang pag-aalsa si Padre Salvi at ipinasigaw na lider nito si Ibarra upang mapiit sa Maynila. Kaugnay nito, nilikha ni Rizal ang ibang tauhang biktima ng korupsiyon at kawalang-katarungan, gaya nina Pilosopong Tasio, Sisa at mga anak, ang guro, ang mga tulisan, at Elias, gayundin ang mga karikatura ng kasipang kolonyal na gaya ni Donya Victorina at Donya Consolacion, at labis na relihiyosidad na gaya nina Hermana Rufa at Hermana Penchang.


Si Elias ang naging tagapagligtas ni Ibarra sa mga panganib. Sa dulo, itinakas si Ibarra ni Elias sa piitan ngunit hinabol sila ng patrulya sa lawa. Tinamaan si Elias at inakalang si Ibarra ang nahulog sa lawa. Dahil sa pangyayari, pinilì ni Maria Clara na magkulong sa kumbento.


Ang nobelang ito at ang karugtong na El filibusterismo (1891) ay nagpaalab sa damdaming makabayan at naging mitsa ng Himagsikang Filipino. Sa kabilang dako, pinatindi nito ang poot kay Rizal ng mga fraile at sanhi ng pagdakip sa kaniya, pagpapatapon, at pagbitay.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr