Sino si Maria Clara?


Pangunahing tauhang babae sa nobelang Noli me tangere ni Jose Rizal si Maria Clara (Mar·yá Klá·ra). Tawag din ito sa isang estilo ng kasuotang pambabae. Maituturing namang klasika ang “Awit ni Maria Clara.”


Sa nobela, nakapag-aral sa Maynila, kakaiba si Maria Clara sa mga kababatang babae. Ipinamumulseras lamang niya ang rosaryo. Hindi niya nilulubos tapusin ang misa. Minsa’y hinagkan niya ang rebulto ni San Antonio sa pananabik sa kasintahan.


Sa dulo pa ng nobela ay sinunggaban niya ang nobyo sa ulo at tatlong ulit na hinagkan sa labì. Isa ring siyang anak sa pagkakasala, bagaman sa dulo lámang niya nalaman na hindi siyá anak ni Kapitan Tiago at sa halip ay anak ni Padre Damaso.


Ang kasuotang “maria clara” ay itinuturing na isa sa mga pambansang kasuotang pambabae. Manipis na tela na gaya ng sedang husi, pinya, at sinamay ang blusa nitóng puspos ng pinong borda. May katerno itong kuwadradong panyuwelo na itinupi nang patatsulok, ibinabalabal sa balikat na ang magkabilang dulo’y pinaglalapat ng alpiler sa dakong dibdib. Ang maluwang na palda ay karaniwang hanggang sakong ang habà at sunod ang dibuho sa pinakahulíng moda.


Ang “Awit ni Maria Clara” ay isinulat ni Rizal ang mga titik at inawit ni Maria Clara sa kabanata ng pangingisda sa lawa. Pinaglalaruan nitó ang pag-ibig sa ina at pag-ibig sa Inang Bayan.




Kay tamis mabuhay sa sariling bayan


Lahat kaibigan sa silong ng araw,


Buhay kahit simoy na buhat sa parang,


Aliw ang mamatay, umibig ay banal.


May sarili ka bang bayan?


Dahil ako’y nalulumbay,


Huwag akong hahanapan


Ng bayan kong akin lamang!


Maalab na halik sa labi’y kasaliw


Magmula sa dibdib ng ina paggising;


Ang hanap ng bisig siya ay yapusin,


At napapangiti ang mata pagtingin.


May ina ka bang nagmahal?


Dahil ako’y nalulumbay,


Huwag akong hahanapan


Ng ina kong akin lamang!


Kay tamis mamatay kung dahil sa bayan,


Lahat kaibigan sa silong ng araw;


Lason kahit simoy para sa sinumang


Walang bayan, walang ina’t nagmamahal. 


Ang siniping salin sa Filipino ay salin ng Pambansang Alagad ng Sining Virgilio S. Almario.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: