Nobela
Tinatawag itong nobéla sa Tagalog, Bikol, Iluko, at Kapampangan, kung minsan, kathâng-búhay, at sugilánon naman sa Ilonggo at Sebwano.
Bagaman banyagang anyo, mauugat ito sa katutubo at pasalitâng panitikan, lalo na sa mga épikóng-báyan, at sa mga didaktiko’t moralistang salaysay na dinalá ng mga Espanyol na gaya ng pasyón at ng mga métrikó románse.
May mahabà’t matimyas na na pantasya’t kababalaghan mula sa mga alamat at kuwento ng mga bayaning-bayan hanggang sa pakikipagsapalaran ng mga prinsipe’t prinsesa ng mga awit at korido. Marikit na halimbawa naman ng didaktikong akdang tuluyan ang Urbana at Feliza (1864) at Si Tandang Basio Macunat (1865).
May espiritung realista na ang nobéla nang lumitaw alinsunod sa Ninay ni Pedro Paterno noong 1885, at lalo na sa mga dakilang Noli me tangere (1887) at El filibusterismo (1891) ni Jose Rizal.
Ang halimbawang ito sa realismo ang ituturing na higit na makabuluhang paraan ng pagnonobéla sa nakaraang mahigit sansiglo.
Sa ganito ibinubukod ng mga kritiko ang pagsulat ng gaya nina Lope K. Santos, Faustino Aguilar, Iñigo Ed. Regalado, Lazaro Francisco, Stevan Javellana, Juan C. Laya, Ramon Muzones, Macario Pineda, Amado V. Hernandez, Nick Joaquin, Bienvenido Santos, Kerima Polotan, Andres Cristobal Cruz, Liwayway E. Arceo, Rosario Guzman-Lingat, Benjamin C. Pascual, Wilfrido Nolledo, Constante C. Casabar, Edgardo M. Reyes, Efren Reyes Abueg, Rogelio Sikat, Lualhati Bautista, Jun Cruz Reyes, Abdon Balde Jr., at marami pa.
Pinagmulan: NCCA Official | Flickr
No Comment to " Nobela "