El Filibusterismo
Noong panahon ni Rizal, gamit na pantakot at bintang dito sa Filipinas laban sa bawat maghayag ng malayang pag-iisip ang “filibustero,” sa pakahulugang kaaway ng pamahalaan.
Unang gamit ang “filibustero” bilang masamang taguri laban sa mga pirata. Sa paggamit ng kataga na ginawang “ismo” ng awtor, ipinahahayag niya sa porma ng nobela ang mga kaisipang gagabay sa isang malayang nasyon.
Naganap ang kuwento 13 taon makalipas ang mga pangyayari sa Noli me tangere nang tumakas si Crisostomo Ibarra. Nagbalik siya sa Pilipinas na si Simoun, ang mag-aalahas. Dalawa ang pakay niya: iligtas ang kanyang kasintahang si Maria Clara sa kumbento at padaliin ang pagkabulok ng pamahalaan sa pamamagitan ng kaniyang alahas upang mapabagsak ito.
Taliwas kay Simoun, may grupo naman ng mga estudyante na naniniwala sa asimilasyon. Humihiling sila sa mga awtoridad na magkaroon ng akademya ng wikang Espanyol. Sa ganang kay Simoun, isa itong kahibangan at lalong naglulubog sa kanila sa pagkaalipin. Gayunman, maging ang ganitong matahimik na kahilingan ay tinutulan ng pamahalaan. Ayaw ng Espanya ng kahit anong kilos ng mga Filipino na may bakas ng pagnanais ng dagdag na kaalaman.
Samantala, nabigo rin ang dalawang pagtatangka ni Simoun sa himagsikan. Sa una, nawala sa loob ni Simoun ang paghuhudyat sa himagsikan nang mabalitaan niyang patay na si Maria Clara. Sa ikalawa, pinigil ni Isagani ang pagsabog ng lampara dahil nais niyang iligtas ang mahal na si Paulita Gomez. Inihagis niya ang lampara sa ilog at nakaligtas ang mga pinuno ng gobyerno na target sanang puksain ni Simoun.
Sa pagkabigo ng pangarap na asimilasyon at ng dali-daling insureksiyon, nawalan ng gamit ang mga hiyas ni Simoun. Ipinaubaya na lamang ng mayakda ang mga hiyas sa pagdating ng panahong uusbong na ang hangaring mas banal at dakila.
Pinagmulan: NCCA Official | Flickr
Mungkahing Basahin:
No Comment to " El Filibusterismo "