Ang husi ay napakapino’t mamahaling hibla sa tradisyonal na paghabi ng damit. Binabaybay din ito sa pa-Espanyol na jusi.


Tradisyonal na mula ito sa himaymay ng saging ngunit napalitan ng higit na makislap na sutla o seda. Ngayon ang sutla ay malimit na may halong koton o sintetikong rayon at polyester.


Ang paghabi ng tela sa husi ay tiyak na bunga ng pagbabago sa pananamit noong panahon ng kolonyalismong Espanyol, lalo na dahil sa introduksiyon ng modang damit mulang Europa, at pagsusuot ng damit alinsunod sa uring panlipunan. Nangailangan ng naiiba’t higit na may uring mamahaling damit ang mga mariwasa at mga dayuhan upang maibukod ang sarili sa karaniwang Indio.


Isang pagbabago ang paglaganap ng pagboborda noong ika-18 siglo, isang industriyang itinuturo sa mga babae sa beateryo, at ginagamit sa pagpaparikit ng panyuwelo at belo. Malimit na husi o koton ang telang binobordahan. Malaking bahagi din ng pagbabago sa pananamit ang metamorposis ng katutubong baro’t saya tungo sa tinawag na trahe de mestisa (traje de mestiza). Ang nakasunod sa modang tabas at ang telang husi ng trahe ay nagpapatingkad sa antas mariwasa ng nagsusuot.


Sa ngayon, husi pa rin ang tela ng mamahaling barong tagalog at terno para sa mga pormal at espesyal na okasyon. Binuhay din ang husi na himaymay ng saging. Ilang bayan sa Aklan, Laguna, at Batangas ang bantog sa bordadong husi.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr