Bago pa dumating ang mga dayuhang Espanyol, ang baro at saya na ang maituturing na pambayang kasuotan ng mga Filipina. Ang salitang baro na henerikong tawag sa pang-itaas na kasuotan ng mga katutubo ay laganap sa buong kapuluan bago pa man dumating ang mananakop. Bado ito sa mga Ilokano samantalang bayo naman sa Kabisayaan. Ang saya naman ay ang maluwang na pang-ibabang kasuotan.


Ang baro at saya ay may apat na bahagi: ang kamisa o maikling blusang may manggas na halos kawangis ng isang bestido; ang alampay o balabal na ipinapatong sa kamisa; ang saya o paldang mahaba na kalimita’y hanggang sakong; at ang tapis o kapirasong telang ipinapatong sa saya.


Nang lumaon, isinantabi na ang alampay dahil nakagagambala ito sa paggalaw. Nawala rin ang tapis at naging mas payak ang saya. Natira na lang ang dalawang pirasong kasuotan na di nagtagal ay pinag-isa. Para sa mas pormal na okasyon, nabuo ang iisang pirasong kasuotan na may pinatayong manggas na kahalintulad ng mga pakpak ng paruparo. Ito ang tinatawag na terno.


Dahil sa Amerikanisasyon, nawala sa uso ang mga terno. Ngunit muling pinasikat ito ng dating Unang Ginang Imelda Marcos na nakilala sa pagsusuot na magagarang terno na ipinasasadya pa niya sa mga batikang tagadisenyo ng damit.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: