Ano ang alampay?


Ang alampay isang balabal o piraso ng damit na isinasampay sa balikat o ipinapatong sa isa pang damit sa may bandang balikat.


Kilala rin ang alampay bilang

  • ablay sa Waray,
  • alikboy sa Bikol,
  • baksa sa Sinaunang Tagalog,
  • baliog sa Aklanon,
  • kagay sa Ilokano at
  • kulibengbeng sa Pangasinan.


Maaaring gawa sa iba’t ibang tela ang alampay ngunit madalas na gawa sa himaymay ng pinya ang ipinapares upang higit na maging marangya ang baro’t saya o terno ng kababaihan.


Sa katunayan, kabilang ang alampay sa apat na bahagi ng isang terno; ang tatlo pa ay ang kamisa, sáya, at tapis.


Ngunit nagsimula ang alampay bilang praktikal na bahagi ng kasuotan. Isinasampay ito sa balikat upang protektahan ito sa lamig. Kapag totoong malakas ang hangin, ang alampay ay ibinabálot sa paligid ng leeg at hanggang sa ibabâng bahagi ng mukha.


May nakahandang piraso ng damit ang mga magsasaka at manggagawa na palagiang nakasampay na tila alampay sa kanilang balikat na ginagamit upang ipampunas ng pawis at ipansanggalang sa init o usok.


Sa kasalukuyan, ang kulay at disenyo ng alampay ay ginagamit na simbolo ng ilang lider at aktibista upang ipakatawan ang kanilang paninindigang pampolitika at isyung ipinaglalaban.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: