Tapis ang tawag sa telang ipinapatong sa ibabaw ng saya ng babae. Inilalagay ito sa baywang ng babae at pinagkikita ang mga dulong bahagi ng tela sa harapan upang maibuhol nang maayos.


Mula sa salitang tapi, na ibig sabihin ay wrap around, ang pangunahing silbi ng telang ito ay takpan ang ibabang bahagi ng pananamit ng kababaihan dahil manipis lamang ang mga saya noon.


Dahil sa mainit na panahon, kinailangang maging maninipis ang mga saya na umaabot sa bukong-bukong ng kababaihan. Ngunit, dahil mahigpit ang mga fraile at napalaking konserbatibo ang kababaihan, kinailangang magdagdag ng tela sa ibaba na tinawag na nagwas at mayroon pang tapis na makapal sa baywang upang matakpan at hindi madaling maaninag ang katawan ng babae.


Sa paglipas ng panahon, nagbago ang disenyo at materyales na ginagamit para makabuo ng saya. Yari na sa cotton o kaya seda; naging palamuti na lamang ang tapis sa baro’t sáya.


Kadalasan, ang maninipis na tapis ay yari sa pinya, husi o kayâ’y mabueg. Nawala na rin ang nagwas. Sa pang-araw-araw na usapan ngayon, ang anumang tela na nakalagay sa baywang at pinagtagpo sa harap ay maikokonsiderang tapis.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: