On
Ang meryenda (mula sa Espanyol na merienda) o mga baryant nitóng mirindál at minandál) ay magaan na pagkain sa pagitan ng panananghalian at hapunan. Maaari rin itong gawin sa umaga bilang brunch, sa pagitan ng almusal at tanghalian, ngunit sa kulturang Filipino, mas madalas itong gawin sa hápon.


Sa katunayan, napakaraming uri ng pagkain na tinatangkilik tuwing meryenda. Nariyan ang mga tinapay tulad ng pandesal, pan de amerikano (na ginagamit sa sandwich), ensaymada, mamon, piyaya, at pinalamanang empanada.


Patok din ang mga kakanin, tulad ng puto (masarap sabayan ng dinuguan!), kutsinta, espasol, sapin-sapin, suman, kalamay, bibingka, biko, butse, pitsi-pitsi, maha, nilupak, at palitaw.


May mga pampainit tu-May mga pampainit tulad ng batsoy, aroskaldo, goto, lomi, tsamporado, at pansit molo. At kung pampahabà ng buhay ang pag-uusapan, may pansit bihon, pansit kanton, pansit malabon (luglug), pansit palabok, at ispagheti.


Puwede rin natin silipin ang tulang “Mirindal” ng Pambansang Alagad ng Sining Rolando S. Tinio para sumulyap sa tradisyonal na meryendang Pinoy. Hari dito ang ginataan, at nabanggit din ang maruya at lakatan. (Hindi nalalayong kasabay inilalako ng maruya ang kamotekyu, banana-kyu, at ginanggang. At dahil nása usapin táyo ng bunga ng halaman, isáma na rin ang hilaw na mangga, mais, at binatog.)


May banggit din sa nilagang mani, at kung gusto mo’y maramihan sa isang ngasab, kumain ng panutsa. Binanggit din ng makata ang premyadong pampalamig, ang haluhalo, na puwede ring palitan ng mais kon yelo, sorbetes, iskrambol, sago at gulaman, at buko juice. Kung gusto mo’y pampainit, uminom ng taho. Kung kulang ka sa lakas at kailangan ng matamis, may pastilyas, pulburon, at koton kendi.


Kung karne naman ang hanap ng sikmura, hindi ka mauubusan ng múra at madalîng-tsibugin na pagkaing kalye. Pisbol, iskuwidbol, tsikenbol, at kikiam. Kwekkwek at tokneneng. (Ay! Puwedeng meryendahin ang itlog ng pugo, lalo kung nakasakay ka sa pampasaherong bus. At kung nása daan ka, may inilalako ding kropek.) Barbekyu, isaw, adidas (paa ng manok), betamax (pinatuyong dugo), helmet (ulo ng manok), puwet ng manok, balát ng baboy, tenga ng baboy (kilala din bilang Walkman), leeg ng manok, balon-balunan, atay ng manok, at butse. Siyomay, kalamares, tsitsarong bulaklak, pritong balát ng manok, at hotdog.


Sa dami ng mapagpipilian, bakâ sa listahan ka pa mahilo at hindi sa gutom. Kung kayâ minsan, masarap ding mauwi sa payak na kinagisnan: pandesal na may palaman, at may kasamang tasa ng kape o gatas. Solb, hindi ba?


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: