On
Ang habhab ay isang paraan ng pagkain na hindi ginagamit ang mga kamay. Karaniwang ganito kumain ang baboy at ibang mga hayop. Bahagi ng ganitong mababang paraan ng pagkain ang tila gutom na gutom na paglulon sa kinakain nang hindi na nginunguya.


Gayunman, ipinakilala itong natatanging paraan ng pagkain ng pansit sa Lucban, Quezon. Ang pansit na tinatawag na pansit lucban o pansit habhab ay inihahain sa pamamagitan ng ga-palad na dahon ng saging at walang kasamang kubyertos. Hinahabhab ang nakatumpok na pansit upang hindi na marumihan ang mga kamay.


Miki o kanton ang uri ng ginagamit sa pagluluto ng pansit habhab. Isinasahog ito sa ginisang laman ng baboy at hipon na may mga gulay at maraming sibuyas. Suka sa halip na kalamansi ang ibunubudbod bilang pampalasa kapag inihain.


Kasama ng longganisang lucban, broas, at haluhalo kinikilala ang pansit habhab bilang isang natatanging kulturang Lucbanen. Bahagi ito ng pang-araw-araw na pagkain ng mga taga-Lucban lalo na kung almusal. Ngunit higit na nagiging sentro ng kainan ang pansit habhab tuwing Pista ng Pahiyas kapag Mayo at malakas itong pang-akit sa mga turista.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: