Ang haluhalo
Ang ponda ay isang pansamantalang tindahan na may silungang bubong na kugon, may isang mahabang bangko na may kaharap na isang mesa. Sa mesa’y may mga garapon ng panghalong minatamis at mga prutas saka isang gadgaran ng yelo.
Nasa likod ng tindahan ang isang munting patungan ng mga baso’t kutsarita, garapon ng asukal, lata ng gatas na ebaporada, at iba pang gamit.
Nakabalot ng sako o nakabaon sa ipa ang isang bloke ng yelo.
Ang panghalo ay karaniwang binubuo ng sariwang prutas (kinudkod na milon, kinudkod na makapuno, kinutsarang mangga at kaimito) at minatamis (munggo, garbansos, kamote, rimas o langka, gulaman, kaong, saging sa saba). Nangangalahati ang baso sa mga ito. Isinisiksik sa ibabaw ang ginadgad na yelo, nilalagyan ng asukal, at pinatutuluan ng gatas.
Kung minsan, tinatampukan ang haluhalo sa ibabaw ng halong ube, letse plan, o pinipig. May haluhalo na sabaw ng buko sa halip na de-latang gatas ang ginagamit.
Sa Tiwi, may haluhalong kinagigiliwan ang naiibang lasa dahil sabaw ng buko ang pinatitigas upang gawing yelo.
Maraming restoran sa siyudad ang naghahandog ng haluhalo na may higit na maraming panghalo. Ngunit malimit na walang lasa ang minatamis; kung minsan panis ang saging; puro food coloring ang sago.
Sa mga ponda noon sa nayon, matitiyak na bagong luto ang minatamis at bagong ani sa bakuran ang prutas. At di matatawaran ang matamis na ngiti ng dalagang tindera.
Pinagmulan: Kermit Agwas
Mungkahing Basahin:
No Comment to " Ang haluhalo "