On
Bahagi ang pinípig at pipígan ng romantikong alaala kapag anihan sa kanayunan noon. Nagtitipon ang mga taganayon kung gabi sa patio at sa tanglaw ng isang malaking sigâ ay idinadaos ang pipígan. Nagtitipon silá upang magpasalamat sa masaganang ani. Humahalimuyak sa paligid ang binusáng mga butil ng murà pang malagkit. Dalawang maskuladong lalaki ang may hawak na halò at magkaharap sa lusóng. Ibinubuhos sa lusóng ang tostadong malagkit at salimbayang binabayó ng halò ng dalawang lalaki. Sinasaliwan ang pagbayó ng masiglang tugtog ng gitara at awit ng mga binata’t dalaga.


Pinípig ang pinitpit na bigas mula sa binayóng mga murang butil ng malagkit. Malinamnam itong kukutin kapag mainit pa’t bagong hango sa lusóng. Dili kayâ, inihahanda itong ginatan, at pinagsasaluhan ng mga dalaga’t binata hanggang abutin ng hatinggabi at antukin ang nagsisintahan. Dúman ang tawag na kulay lungtian at espesyal na pinipíg. Hinahaluan ito ng gata at isinisilbing pampalamig.


Ngayon, ang pinípig ay inihahalò sa haluhalo o pampalasa sa cookies. May nabibiling nakaempakeng pinípig at tinatawag na rice crispies para gamitin sa nabanggit na mga layunin. Ang mga pabrika ng sorbetes ay nagtitinda ng pinipig crunch, isang uri ng papsikel na may bálot na karamelo at natutudlingan ng malulutong na butil ng pinípig.


Pinagmulan: NCCA Official via Flickr