Gitara
Ang tradisyon ng pagtugtog ng gitara ay dala ng mga Espanyol sa Filipinas kung kaya mahihiwatigan ang orihinal na pangalang Espanyol sa mga katawagan sa iba’t ibang wika sa Filipinas: gitara ng Tagalog, gitada ng Aeta, at gi’taha ng Dumagat (Casiguran).
Sa taguring cinco-cinco na isang katutubong gitara sa Bisaya, makikita pa rin ang impluwensiyang Espanyol sa pangalan nito. May mga katutubong bersiyon din ang gitara: kutibeng (sa Ilocos), sista (Samar at Leyte), kabungbung (sa Negrito ng Bataan at Zambales), at buktot nga sista (Iloilo).
Noon pa mang panahon ng Espanyol ay may mga komentaryo na ang mga mananakop tungkol sa katutubong bersiyon ng instrumento at sa pagtugtog ng mga Filipino. May komentaryo si Padre Diego de Bobadilla tungkol sa alpa at gitara. Aniya, “ang kuwerdas na ginagamit ng katutubo ay gawa sa pinulupot na sutla. Ang tunog nito ay nakawiwili katulad ng sa atin ngunit naiiba ang kalidad.” Ayon naman kay Antonio de Morga, sa kaniyang Sucesos de las islas Filipinas (1609), tinuruan ng mga fraile na tumugtog ng mga instrumento ang mga katutubo. Kabilang sa mga instrumentong ito ang alpa, gitara at iba pa.
Mahusay na natuto ang mga katutubo sa mga ito. At banggit ni Ramon Lala sa kaniyang aklat na The Philippine Islands (1898), patungkol sa mga Filipino, “lahat sila ay ipinanganak na musiko; maging ang maliliit na bata na may edad na lima at anim na taon ay nakatutugtog ng alpa, gitara at/o piyano na tila likas sa kanila ang kakayahang ito.”
Maituturing na ang gitara ay ang pinakaabot-kayang instrumento para sa maraming Filipino. Sa gayon, marami ang nakatutugtog nitó at naging bahagi ng maraming gawain ng mga Filipino: sa harana, saliw sa pag-awit, sayawan, paglilibang, at pagtugtog ng rondalya, ng modernong bánda, at ng klasikong pagtatanghal sa pormal na entablado.
Pinagmulan: NCCA Official | Flickr
Mungkahing Basahin:
No Comment to " Gitara "