On
Ang subli ay isang uri ng panata ng pasasalamat para sa Mahal na Poong Santa Krus na, ayon sa isang banggit noong bandang 1595, ay sinasabing naghimala sa bayan ng Alitagtag, Batangas.


Ang kahoy na ginamit sa pagbuo ng poon ay pinaniniwalaan ding nagmula sa isang mahimalang punongkahoy na may hugis krus. Nilagyan ito ng mukha ng araw na may mga sinag.


Ang subli ay nakapaloob sa isang pamamanata na may tatlong bahagi: ang

  1. kambulong,
  2. subli, at
  3. pandangguhan.


Ang kambulong ay ang pagpapahiwatig ng pagtanggap sa pagdating ng Poong Santa Krus. Ang subli ay isang uri ng sayaw na may kahalong awitan sa saliw ng instrumentong perkusyon.


Hango ang subli sa dalawang salita, “subsob” at “bali”, kung kaya’t ang anyo ng mananayaw nito ay nakasubsob at animo’y bali ang katawan. At ang pandangguhan ay ang pag-awit at pagsayaw ng pandanggo sa saliw ng gitara, biyolin, at tambol.


Ang mga titik sa awit ng subli ay karaniwang kinakanta sa magkakaparehong tono o punto. Maaari itong awitin ng isang babae o dalawang grupo ng kababaihan sa pasagot na estilo.


Ang kababaihan ay nakasuot ng balintawak na may tapis at panyo. Nakasuot din sila ng sombrero na yari sa bule. Ang kalalakihan naman ay nagsusuot ng barong tagalog at kulay pulang pantalon.


Ang musika ng nakagawiang pagdaraos ng subli sa mga paaralan ay likha ni Juan Silos, Jr. Ito ay mabilis at nĂ¡sa batayang kompas na 2/4.


Itinatanghal ang subli tuwing ikatlong Linggo ng Mayo, kung kailan natagpuan ang Poon. Idinaraos din ito bilang pasasalamat at panalangin sa kaarawan, gradwasyon, at paggaling sa karamdaman.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: