Bule
Ang bule ay itinuturing na pinakamalaking palma sa buong Pilipinas. Ang katawan nito ay nakatayo nang tuwid, may diyametro na aabot hanggang isang metro, at taas na 20 metro.
Ang dahon naman nito ay malalapad, hugis-pamaypay, pabilog, may habang tatlong metro; mayroong 100 lanceolates na matutulis at may lapad na isa hanggang anim na sentimetro; may palapa na aabot sa tatlong metro ang haba at 20 sentimetro ang kapal.
Ang mga bulaklak ng bule ay may diyametro na anim na milimetro, Ang mga bilóg na bunga naman nitó ay may diyametrong 2.5 sentimetro at ang mga butong taglay ay matitigas at may diyametrong 1.5 sentimetro.
Marami ang pakinabang ng bule. Nakakakuha ng tuba, alkohol, syrup at asukal mula rito. Mapagkukuhanan ng gawgaw ang katawan habang ginagawang salad o gulay ang ubod. Ang laman ng mga bunga nito ay maaaring kainin. Ang mga buto ay maaaring gamitin sa paggawa ng kuwintas at butones.
Ang mga petiole ay napagkukuhanan ng buntal fiber na ginagawang sombrero at kung minsan ay lubid. Ang mga dahon naman ay ginagamit na pambalot at pantali ng sampaldong dahon ng tabako at pawid na pandingding o pambubong ng kubo. Ang palapa ay ginagawang walis.
Matatagpuan ito sa halos lahat ng parte ng Filipinas, kadalasan sa mga isla at lalawigan na may mababàng altitude. Makikita rin ito sa ilang bansa sa Timog-Silangang Asia.
Pinagmulan: NCCA Official | Flickr
Mungkahing Basahin:
No Comment to " Bule "