Ano ang agnos?


Ang agnos ay palawit sa kuwintas na may nilalamáng banal na relikaryo o alaalang mula sa isang tagpo o bagay na nabanggit sa Bibliya. Nagiging mamahálin ang kuwintas sa relikaryong nilalamán ng palawit, bukod pa sa paniniwalang inangkat ito mula sa Hesrusalem at benditado sa Roma. Itinuturing na isang mahalagang hiyas ang agnos sa lipunan ng mga relihiyoso noong panahon ng Espanyol.


Isang makabuluhang agnos sa panitikan ang kuwintas na iniregalo ni Kapitan Tiago kay Maria Clara pagdating sa San Diego. Sa Kabanata 28 ng Noli me tangere, inilarawan ni Rizal na inihandog ng ama sa anak “ang isang magandang agnos na ginto at may pahiyas na brilyante at esmeralda bukod sa naglalaman ito ng isang tatal mula sa bangka ni San Pedro, sa dakong inupuan ng Ating Panginoon noong mangisda silá.” Kaagad itong isinuot ni Maria Clara at nagpatingkad sa kaniyang ganda hábang namamasyal sa plasa kasama ang mga kaibigan.


Sa kabanata ding iyon ay nawala kay Maria Clara ang agnos. Naawa siyá sa isang ketonging pulubi at dahil walang pera ay ang agnos ang ipinalimos. Hindi rin doon natapos ang kuwento ng agnos. Sa El filibusterismo, lumitaw ito sa kamay ni Huli. Isasangla sana ito ng dalaga kasáma ng ibang hiyas ngunit pinigil ang sarili dahil regalo ito sa kaniya ng kasintahang si Basilio. Ibinayad ang agnos kay Basilio ng ketongin matapos niya itong gamutin.


Sa Kabanata 10 ng Fili, nakita ni Simoun ang agnos at inalok si Kabesang Tales ng malaking halaga kapalit nitó. Hindi tinanggap ni Kabesang Tales ang salapi, ngunit iniwan kay Simoun ang agnos kapalit ng rebolber nitó. Waring sa pamamagitan ng agnos ay sinikap isalaysay ni Rizal ang mga kasawian at karangalan ng Filipino sa panahong iyon.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: