On
pandanggo

Pandanggo


Ang sayaw pandanggo ay batay sa sayaw na fandango ng mga Espanyol. Ang sayaw ay mabilis at masaya sa batayang kompás na 3/4. Karaniwan itong sinasayaw sa saliw ng awit at gitara. Maaari rin itong tugtugan ng bandurya. Ang mga mananayaw ng pandanggo ay tinatawag na pandanggera kung babae, at pandanggero naman kung lalaki. Karaniwang sinasayaw ito sa kasalan, panahon ng pagtatanim ng palay, binyag, pista at kahit Mahal na Araw.


Ang kilalang pandanggo sa ilaw ay nangangailangan lamang ng tunog ng palakpak ng mga manonood upang isaliw sa sayaw na ito. Ngunit ang nakagawiang musika ng pandanggo ay likha ni Col. Antonino Buenaventura. Kasama si Francisca Reyes Aquino sa grupong nakadeskubre ng sayaw, ang UP President’s Committee on Dances and Folk Songs.


Ang iba’t ibang bersiyon ng sayaw ay karaniwang nakapangalan sa lugar na pinagmumulan nito, sa mga gamit na mahalaga sa sayaw, sa okasyon at sa paniniwalang panrelihiyon ng lugar. Isang halimbawa ng pandanggo na nakabatay sa lugar ay ang pandanggo sa Ivatan na nagmula sa Batanes, isang sayaw pangkasal na sinisimulan ng lalaking kapareha. Sa sayaw na ito, ibinibigay ng lalaking bagong kasal ang kaniyang gala o regalong pangkasal sa asawa. Ang pandanggo Rinconada naman na paboritong sayaw sa Bicol ay ipinangalan sa distritong Rinconada ng Camarines Sur at karaniwang sinasayaw ng kabataan at matatanda tuwing Kapaskuhan. 


Ang mga sayaw na ipinangalan sa kagamitan sa pagsasayaw ay ang pandanggo sa ilaw, pandanggo sa sambalilo, at pandanggo sa tapis; ang nakabatay sa okasyon at paniniwala ay pandanggo sa kasalan na ang pakay ay bigyan ng payo ang bagong kasal, at ang pandangguhan sa Kuwaresma na may kasamang awit na ang titik ay nakabatay sa Bibliya o pasyon at iba pang aklat panrelihiyon. Isinasayaw rin ang pandanggo bilang alay sa Poong Mahal na Santa Cruz ng Batangas.


Pinagmulan: NCCA Official via Flickr


Mungkahing Basahin: