Pambansang Alagad ng Sining sa Musika, 1989, si Antonino R. Buenaventura (An·to·ní·no Ar. Bu·we·na·ven·tú·ra) ay kompositor, konduktor, at guro.


Bilang Kompositor, lumilikha ng mga musikang gumagamit ng mga katutubong himig at tunog. Matapos ang masusing pananaliksik, ibinabatay niya dito ang mga nililikhang obra gaya ng Minuet (1937) na hinalaw sa himig Igorot; Pandanggo sa Ilaw (1936); Echoes from the Philippines (na itinanghal ng PC Band sa Golden Gate Exposition sa California noong 1939); Mindanao Sketches (1947) na gumamit ng himig Manobo; Variations for Piano and Orchestra (1959) likha para sa isang buong orchestra na halaw sa isang katutubong awit sa kabundukan; at Greetings (1978) na para sa isang banda ay batay naman sa Kumintang.


Bilang Konduktor, gamit ang mataas na pamantayan ay pinamunuan niya at ibinalik sa kasikatan ang Philippine Army Band (dating Philippine Constabulary Band) sa loob ng 16 na taon. Inilapit ang kanilang musika sa masang Filipino na nanood ng pagtatanghal nitó sa Luneta. Bilang guro, pinanatili niyang buhay ang makabayang tradisyon sa musika sa pamamagitan ng paglalantad sa kanyang mag-aaral sa katutubong musika. Siyá ang pumalit sa pagtuturo sa UP sa pagpanaw ng kanyang guro na si Nicanor Abelardo noong 1934. Nagsilbi rin siyáng direktor ng musika ng UST Conservatory of Music (1961) at UE School of Music and Arts (1964).


Ginawaran ng maraming pagkilala at karangalan si Buenaventura: 1951 Band Conductor of the Year, Music Lovers Society; 1961 Republic Cultural Heritage Award for Music; 1971 Araw ng Maynila Cultural Award; 1976 Award of Merit for Oustanding Contribution to Philippine Music mula sa Philippine Army; 1981 Director Emeritus, UE; 1991 Doctor of Humanities, UP; 1995 Diwa ng Lahi Award, Araw ng Maynila.


Isinilang siya noong 4 Mayo 1904 sa Baliuag, Bulacan kina Leocandia Ramirez at Lucino Buenaventura, punòng musikero ng bantog na Spanish Artillery Band ng Intramuros. Sa murang edad, naging mahusay siyang tumugtog ng klarinete, naging konduktor ng Banda Buenaventura at lumikha ng mga musika. Ikinasal siyá kay Rizalina Esconde, guro ng violin sa UP at biniyayaan ng apat na anak. Natamo niya ang teacher’s diploma (major in science and composition) noong 1932 sa Unibersidad ng Pilipinas Conservatory of Music at post-graduate diploma sa Composition sa ilalim ng Alemang Propesor na si Jeno von Tackacs. Namatay siya noong 25 Enero 1996.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: