Leoncio Asuncion
Isang natatanging eskultor ng mga paksaing relihiyoso, isinilang si Leoncio Asuncion (Le·ón·syo A·sun·syón) noong 12 Setyembre 1813 sa Sta. Cruz, Maynila.
Noong 1830, naglingkod siyang eskultor sa Taller de Escultura, at lumitaw pagkuwan na pinakamahusay sa eskulturang relihiyoso sa Filipinas noong ika-19 siglo.
Itinayo niya at kapatid na si Manuel, isa ring eskultor, ang isang talyer na naging bantog sa paglikha ng estatwang relihiyoso. Marami sa mga sumikat na eskultor ang naging estudyante ng magkapatid na Asuncion.
Nililok ni Leoncio ang bantog na “La Tercera Caida” na naglalarawan sa ikatlong pagkadapa ni Kristo patungo sa Kalbaryo. Ipinuprusisyon ito hanggang ngayon sa paligid ng Simbahang Sta. Cruz.
Lumikha rin siya ng Nakapakong Kristo sa marmol, at mga estatwa ng santo. Hinahangaan ang mga likha ni Leoncio sa simetriya at nilalik na kagandahan. Sinasabing nadulutan niya ang kaniyang mga likha ng “damdamin at kariktang makasining.”
Namatay si Leoncio noong 1888. Nitong 1983, naglagay ang National Historical Institute ng isang marker sa harap ng Simbahang Sta. Cruz bilang pagpupugay sa kaniyang alaala.
Pinagmulan: NCCA Official | Flickr
Mungkahing Basahin:
No Comment to " Leoncio Asuncion "