Si Melecio Figueroa ay isang eskultor at grabador na naging miyembro ng Kongresong Malolos noong 1899. Siya ang nagdisenyo at umukit ng Philippine Peso Conant coins, na salapi ng US-Philippine Series, mula 1903 hanggang 1906.


Isinilang siya noong 24 Mayo 1842 sa Arevalo, Iloilo kina Gabriela Magbanua, na namatay noong siya ay bata pa lamang, at Rufo Figueroa, na lumipat sa Sorsogon upang sumama sa kanilang Tiyo Andres.


Siya at ang mga kapatid niyang babae ay naiwan sa pangangalaga ng kanilang tiyahin na si Juana Yulo, isang tindera. Upang makatawag ng mamimíli sa tindahan ng kaniyang tiya, gumagawa siya ng inukit na bangka, kalabaw, at manyika mula sa kahoy at ibinibigay nang libre sa mga mamimíli.


Sa edad na 16 taon, ipinadala siya sa Madrid bilang iskolar ni Don Francisco Ahujas na isang consejero sa Pilipinas. Nakarating siya sa Madrid noong 1866 at pumasok sa Escuela de Artes y Oficios. Lumipat siyá sa Academia Superior de Bellas Artes de San Fernando, at nagtamo siyá dito ng maraming karangalan: isang premyo noong 1872-1873; isang medalya sa muwestra at karangalang-banggit sa grabadura noong 1873-1874; at mga medalya sa muwestra, anatomiya, at grabadura noong 1874-1875.


Noong Marso 1876, namatay ang kaniyang isponsor at kinailangan niyang magtrabaho sa siyudad upang makalikom ng pera. Pinahintulutan siya ng Academia na doon muna manatili habang pinatatakbo niya ang kaniyang pagawaan ng relo.


Nakaraos siya dahil sa natanggap niyang pensiyon mula sa pagkilala ng kaniyang ginawang busto ni Alfonso XII na itinanghal sa Exposicion de Bellas Artes noong 1875.


Noong 1879, ipinadala siya ng Academia sa Roma at iba pang sentro ng sining sa Italya bilang pagkilála sa kaniyang husay. Kasáma niya noon si Alejo Vera, na kalaunan ay naging guro at mabuting kaibigan ni Juan Luna.


Habang nasa Roma, gumawa siya ng busto ni Prinsipe d’Odellaski. Naging hurado siya sa Exposicion de Filipinas sa Madrid noong 1887. Siyá ang umukit ng mga medalya para sa timpalak.


Noong 1892, bumalik siya sa Filipinas. Nagturo siya ng grabadura sa Escuela de Pintura, Escultura y Grabado.


Noong 5 Hulyo 1893, naging primera klaseng grabador siya sa Casa de Moneda sa Maynila. Bukod dito, naging abala siyá sa kaniyang estudyo at talyer ng panday-pilak. Inilaan niya ang kaniyang estudyo sa sining ng eskultura, pagpipinta, at grabadura.


Noong 1896, naging representante siyá ng Iloilo sa Kongresong Malolos.


Noong 2 Marso 1903, ipinasa ng US Congress ang batas na “An Act to Establish a Standard of Value and to Provide for a Coinage System in the Philippine Islands.” Sumali siyá sa timpalak para dito at ang kaniyang disenyo ang nanalo.


Tinawag na “Conant” ang serye ng salaping ito bilang parangal kay Charles A. Conant, isang Amerikanong eksperto sa pananalapi. Ikinamatay niya ang sakit na tuberkulosis noong 30 Hulyo 1903. Inilibing siya malapit sa Tanque, Paco, Maynila.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: