Maliit na sasakyang pantubig ang bangka. Karaniwan itong gawa sa kahoy at ginagamitan ng sagwan. Kung minsan, may nakakabit na kawayan sa magkabilang gilid ng bangka upang balanse ang takbo nito sa tubig.


Tinatawag ang kawayang ito na katig. Lunday ang pinakamaliit na bangka, parang inukang kahoy, at isa lamang ang sakay. Maaari ding kabitan ang bangka ng layag, isang malapad na telang nagpapausad sa bangka sa pamamagitan ng hangin.


Biray ang tawag sa maliit na bangkang may layag na ginagamit sa pangangalakal. Paraw ang higit na malaki at nagkakarga ng pasahero.


Sa Butuan nahukay ang pinakalumang malalaking bangka o balangay sa buong Asia. Ginawa ito noong taong 320 A.D. at ginamit bilang bangkang pangkalakal sa mga sinaunang kaharian ng India, Malaysia, at Tsina.


Isa ring tanyag na sinaunang bangka ang karakoa, ang malaking sasakyang dagat na ginamit ng mga Filipino sa digmaan. Ayon kay Padre Combes, isang Espanyol na fraile at historyador, mas mabilis ang takbo ng karakoa kompara sa malalaking barkong gamit ng mga Espanyol na tinatawag na galeon.


Sinasalamin ng itsura ng bangka at ng paggawa nito ang paniniwala ng mga katutubong Filipino. May mga pamahiin tungkol sa dami ng kahoy na gamit o sa paraan ng pagkakabit nito sa bangka.


Marami ding mga ritwal ang tungkol sa bangka o pagsakay nito. Halimbawa ang pagtatanong ng mga sinaunang Filipino sa kanilang mga anito kung ligtas ang pagpalaot o ang pagbalik sa dalampasigan.


Pinaniniwalaan nilang nasa kibang o pagugoy ng bangka sa tubig ang sagot ng mga anito. Isa ring mahalagang ritwal ang pagtatapon mula sa balangay o bangka ng isang baul na puno ng damit ng yumao. Ginagawa ito kapag ang anak o kamag-anak ng yumao ay nagkasakit.


Bangka ang pangkalahatang tawag sa mga sasakyang pantubig.


Sa Badjaw, bangka ang tawag sa mga sasakyang pantubig na hindi nila ginagamit na tirahan o lepa. Tinatawag din ang bangka na awang sa Magindanaw, barangay sa Iloko, at baroto sa Bikol, Mëranaw, Sebwano, at Tagalog. Bantog ang makulay na layag ang vínta sa Zamboanga. May tsínarem at mas malaking paluwa ang mga Ivatan.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: