Ipinasok ng mga Espanyol ang salita at konsepto ng baul. Isang malaki itong sisidlan, parihaba, tila napakalaking kahon, yari sa matibay na kahoy (karaniwang naga o mulawin) at kaya mabigat, at may susian o kandado.


Kailangan ang dalawang hulĂ­ng nabanggit na katangian dahil ginagamit ang baul sa mahaba at mahirap na paglalakbay noon. Kailangang napakatibay ang kahoy upang makatagal ito sa matagtag na pagtawid-dagat, lalo na’t isinasama noon ang mga baul sa karaniwang mga kargamentong lulan ng barko’t galeon.


Kailangan ding de-susi ito para sa seguridad, lalo’t mga importanteng gamit ng may-ari ang nilalaman nito. Napakabigat ng baul kaya kailangang magkatulong na bitbitin ito ng dalawang tao. Ang bitbitan ng baul ang tila mga “tainga” sa magkabilang gilid nito at siyang pinapaksa ng ganitong bugtong ng mga Ibanag:


Anni nga talinga

Ari makaguinna?


Alin daw tainga ang hindi makarinig? Naging mahalagang gamit noon kahit sa karaniwang tahanang Filipino ang baul. Parang status symbol kung may nakatanghal na baul sa isang sulok ng tahanan, lalo na’t ang bahay ay walang partisyon, sapagkat nangangahulugang may nakatago doong hiyas, salapi, o kung anong importanteng ari-arian. (Lalo na noong wala pang bangko sa kanayunan.)


Ito ang paboritong taguan ng damit at ibang mahalagang gamit ng mga lola. Kung minsan, nagsisilbing patungan ng mga unan at nakatiklop na mga kumot at kulambo. Binibili ito ngayon ng mariwasa sa tindahan ng antik (antique) para gawing dekorasyon sa salas, pinapatungan ng flower vase, o diyaryo’t coffee-table book.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: