Ano ang lepa?
May karaniwang haba na 11 metro at luwang na isang metro ang isang lepa. Ang pang-ilalim na gulugod nito o kilya (tinatawag nilang tadas) ay isang mahabang troso na nakakurba sa magkabilâng dulo. Ang katawan nitó ay binubuo ng limang pinagdikit na tabla at ibinubuka ng mga tila-tadyang na barakilan (tinatawag na sunkol).
Ang balangkas na ito ang sinasahigan, kinakabitan ng mga batangan para sa katig, at pinagtatayuan ng tila bahay na dingding at bubong (tinatawag na kubu).
Ang lépa ay transportasyon at tahanan ng karaniwang pamilyang Sama Dilaut. Dahil limitado ang espasyo, kontrolado ang ikinakarga sa bangka.
May takdang sulok ito para sa kalan at lutuan. May banig na higaan at upuan, na maaari ding gamiting layag o patuyuan ng isda. Ang mga dagdag na damit at ibang gamit ay nakabilot o nakasabit sa bubong o dingding.
Ang hindi masisira ng tubig ay itinatago sa ilalim ng sahig. Ang lambat, sibat, at ibang gamit pangisda ay nakasabit sa gilid ng bangka. May mga bao ng niyog na ginagamit na tabò, ilawang de-gaas para tanglaw kung gabi, at ilang nakabaldeng pagkain kapag nagtatawid-dagat.
Ipinagmamalaki ng Sama Dilaut ang dekorasyon sa proa at ang disenyong ipinipinta sa gilid ng katawan at dingding ng kubu ng kanilang lepa. Ang nakabuka’t tila mga pakpak na paglilok sa dulo ng proa ay tinatawag na “buwaya” at bahagi ng kanilang mito. Malimit na hugis mga dahon at sapot ng gagamba ang disenyong heometriko ng mga lilok at pinta.
Pinagmulan: NCCA Official | Flickr
No Comment to " Ano ang lepa? "