On
Ang niyog (Cocos nucifera) ay punongkahoy na miyembro ng pamilya Arecaceae (palm family). Ito lamang ang tanggap na species sa genus na Cocos.


Ang terminolohiya ay maaaring tumukoy sa buong halaman o sa bunga. Kilala ang niyog na isang halaman na maraming gamit kaya tinawag na “Tree of Life” dahil nagagamit ng tao ang iba’t ibang bahagi nito.


Bahagi ng pang-araw-araw na pagkain ang niyog. Ang endosperm na kilalang laman na nakakain ay maaaring tuyuin upang maging kopra. Puwedeng gamiting pamprito ang langis ng niyog, o maaari namang sangkap sa paggawa ng sabon at kosmetik.


May mga pananaliksk sa Unibersidad ng Pilipinas Los Baños na nagpapatunay na ang langis ng niyog ay magagamit sa isang angkop na proseso upang maging virgin coconut oil. Nagtataglay ito ng maraming katangiang medisinal.


Ang tubig ng niyog ay ginagamit bilang isang inumin. Dito sa Filipinas at maging sa ibang bansa, popular na ang pagpoproseso nito bilang inumin at itinuturing na napakabuting pampalit sa sopdrink. Puwede rin itong iproseso para maging alkohol.


Pinapaasim ang tubig ng niyog sa pamamagitan ng permentasyon upang maging nata de coco. Ang bunót at mga dahon ay gamit sa iba’t ibang dekorasyon at adorno, sa paggawa ng basket, lubid, sombrero, at walis, sa mga kagamitang pangkusinang tulad ng mangkok, sandok, at iba pa. Maaari ring gamitin ang mga bao ng niyog pagkatapos na magamit na ang laman bilang direktang panggatong o gawing uling.


Ang gatâ ng niyog ay ginagamit sa iba’t ibang preperasyon ng pagkain, tulad ng laing, ginataan, bibingka, ube halaya, pitsi-pitsi, palitaw, buko pie, at marami pang iba. Gumagamit ang coconut jam ng gata at asukal na muscovado. Ang isang uri o variety ng niyog na tinatawag na makapunô ay gamit sa paggawa ng isang popular at masarap na minatamis.


Sa rehiyon ng Ilocos, pinupunô ang magkabaak na bao ng diket (minatamis na kanin) at nilalagyan ng liningta nga itlog (kalahating nilagang itlog) ang ibabaw. Ang ritwal na ito ay tinatawag na niniyogan, isang pag-aalay na ginagawa para sa mga namatay ng mga kamag-anak at ninuno. Kasama rin dito ang palagip, isang panalangin para sa mga yumao.


Bukod sa Pilipinas, nagtatanim ng niyog sa mahigit na 80 bansa sa mundo. Ang kabuuang produksiyon ay tinatáyang nása 61 milyong tonelada kada taón. Nabubúhay ang niyog sa mabuhanging lugar, at kahit sa mga lugar na malapit sa tubig tabsing. Kailangan nitó ang matingkad na síkat ng araw, regular na pag-ulan, at mataas na halumigmig.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr