On
Lutong gulay ang laing dahil tangkay at dahon ng gabe ang pangunahing sangkap. Ngunit ginagataan ito, nirerekaduhan ng siling labuyo, at hinahaluan ng daeng na isda o karne ng baboy.


Tinatawag itong pangat sa Kabikulan. Dahil sa gata ng niyog, lutuin itong tiyak na mula sa pook na maniyugan na gaya ng Timog Katagalugan at Kabikulan.


Mabibili ito sa umaga na nakadobleng balot ng dahon ng gabe at itinali sa hugis na kuwadrado ang bawat pakete.


Isa pang dahon na iniluluto din sa gatâ ang lubilubi. Nagkalat ang halamang ito sa Kabikulan. Wika nga sa isang kantang pambata upang ilarawan ang lubílubi at upang ipagmalaki na nakakain ito sa buong taon:


Sa Nanay si Tatay nagtanom nin kangkong


Ang lawas bayabas, ang dahon bayasong


Namunga nin kahel, masiramon:


Enero, Pebrero, Marso, Abril, Mayo,


Hunyo, Hulyo, Agosto,


Setyembre, Oktubre, Nobyembre, Disyembre, Lubílubi.


Magpakulo sa palayok ng mga talbos ng lubílúbi kasáma ng mga piraso ng tuyông isda at gatâ ng niyog. Pagkulo, dagdagan pa ng kakanggata at hinaan ang apoy.


Kapag naluto, ang gatâ ng lubílúbi ay malapot at malangis. Anung sarap ilamas sa kanin magdaan man ang bagyo’t pumutok ang bulkan!


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: