Daeng
Sa proseso ng pagdadaeng, nililinis ang mga isda gamit ang tubig-dagat. Tinatanggalan ng lamang-loob ang mga ito bago hinihiwa sa gitna at saka muling nililinis at tinatanggalan ng natitirang lamang-loob pati na ang taba na matatagpuan sa tiyan.
Ibababad ang mga nahiwang isda sa tubig-dagat nang ilang oras. Minsan, gaya sa La Union, hinahaluan ng paminta, bawang, at iba pang pampalasa ang ibinababad na isda. Pinatutuyo ang isda malapit sa tabing-dagat sa inihandang patuyuan na gawa sa lambat.
Pinaniniwalaan na ang hanging mula mismo sa tabing-dagat ang siya ring nagpapaalat sa daeng. Binabantayan ng mga nagdadaeng ang kanilang isda upang hindi dapuan ng langaw at iba pang insekto. Manaka-naka ring binabaligtad ang bawat daeng upang maging pantay ang pagpapatuyo nito.
Karaniwang idinadaeng ang mga isdang hasa-hasa, bilong-bilong, dilis, matambaka, at labahita.
Kinakailangang sariwa pa ang mga isdang idadaeng dahil kung bilasa na ito ay magiging makati sa dila ang daeng. Kung ang isda ay nalagyan na ng yelo, gaya ng paniniwala ng mga nagdadaeng sa La Union, ang daeng ay magiging kasintigas ng bato kung ito’y lutuin na.
Ang matalinhagang “Parang daeng na nakabilad sa araw ” ay pagtutulad sa mga taong nagbababad sa ilalim ng araw kahit wala namang ginagawa. Iniwawangis nito sa daeng ang mga taong nagnanais na makakuha ng namumulang kulay ng balat.
Pinagmulan: NCCA Official | Flickr
No Comment to " Daeng "