Hasa-Hasa
Ang hasa-hasa ay makikita sa Pasipiko na may lalim na 15-200 metro, mula sa dagat ng Andaman hanggang Thailand, Indonesia, Papua New Guinea, Pilipinas, mga isla ng Solomon at Fiji. Ito ay mahalagang komersiyal na specie ng isda sa Filipinas.
Ang katawan ay napakalalim at ang lalim sa gilid ng talukap ng hasang ay umaabot sa 3.7-4.7 na beses ng haba ng sanga sa buntot. Ang sukat ng ulo ay katumbas o mas maliit kaysa lalim ng katawan. Ang nguso ay patulis. Ang panga ay binabalutan ng isang buto. May mahahabang kalaykay sa hasang na makikita kapag ang bibig ay bukas. Ang likod na palikpik ay madilaw-dilaw na may itim sa gilid at may 8-11 tinik. May 13 bertebra bago sa buntot at 18 naman sa buntot. Ang tinik sa puwit ay hindi pa ganap na buo. Ang bituka ay napakahaba, 3.2-3.6 na beses ng haba ng sanga sa buntot. Ang palikpik sa pektoral at katawan ay madilim samantalang ang ibang mga palikpik ay madilaw-dilaw.
Ang hasa-hasa ay matatagpuan sa estuwaryo at lugar na may temperatura ng tubig na 20° hanggang 30° sentigrado. Nagsasama-samang lumangoy ang mga isda na magkakasinlaki. Pinaniniwalaang ito ay nangingitlog mula Marso hanggang Setyembre. Kalimitang kinakain ay plankton.
Ang karaniwang haba nito ay 15-20 sentimetro at ang pinakamahabang naitala ay 34.5 sentimetro. Ito ay maaaring mahuli nang buong taon sa pamamagitan ng talakop, baklad, at pante. Ito ay ibinebenta nang sariwa, elado, de-lata, tuyo, inasnan, at pinausukan.
Ang Pilipinas ay isa sa mga bansang may malaking produksiyon ng hasa-hasa. Subalit ito ay nanganganib na maubos dahil sa malawakang paggamit ng makabagong teknolohiya at ilegal na pamamaraan ng pangingisda.
Pinagmulan: NCCA Official | Flickr
Mungkahing Basahin:
No Comment to " Hasa-Hasa "