Ano ang baklad?
Mistulang maluwang na bakod ito na nagsisilbing pangharang at panghuli sa mga isdang nagpapalipat-lipat sa malapit na pampang at sa karagatan.
Maaaring pansamantala o permanente ang isang baklad na inilalagay kung saan dumaraan ang mga isdang naglalakbay.
Tulad ng isang bakuran, itinatayo ang mga poste ng kawayan nang may pantay-pantay na agwat. Karaniwang may pasukan ang isang baklad para sa mga isdang nagkakawan. May mata o butas ang
lambat sa isang baklad na hindi liliit sa 3 sentimetro.
Kalimitang hugis pana ang isang baklad. Maaaring umabot ng ilang daang metro ang haba ng bawat isang tangkay sa gilid nito.
Ang kulungan ng baklad na pansamantalang itinayo ay may panghatak na pukot at dalawang dulo na nakaangkla sa baybay. Nananatili ang supot ng pukot sa mababaw na bahagi ng tubig at nagsisilbi itong lalagyan ng mga isdang nahuhuli.
May isang uri naman na gawa sa kawayan, lambat at alambre o hibla ng kawayan na ginagamit panali.
Sa Filipinas, saklaw ng pamahalaang lokal ang regulasyon at pahintulot sa pagtatayo ng baklad sa baybaying-dagat. Pinapaupahan ang isang parte ng baybay sa mga indibidwal o grupo na may sapat na puhunan para magpatayo ng baklad.
Subalit may mga pagkakataong malaki ang sukat ng baklad kaya’t sinasakop at isinasara nito ang malaking bahagi ng baybay. Nagdudulot ang ganitong sitwasyon ng problemang tulad ng kawalan ng espasyo para sa maayos na pagdaloy ng tubig at nabegasyon.
Dahil dito, kailangan ng pamahalaang lokal ang regular na pagmonitor at pagbisita sa mga baybaying-dagat na kanilang nasasakupan.
Pinagmulan: Kermit Agbas
Mungkahing Basahin:
No Comment to " Ano ang baklad? "