Katutubong sapin sa paa ang bakya at yari sa kahoy ang suwelas at katad o tela ang kaluban. Maaaring impluwensiya ito ng sapin sa paa ng mga Tsino o ng mga Hapones.


Gayunman, maaaring bunga ito ng naramdamang likas na pangangailangan para sapnan ang paa laban sa subyang at putik.


Nagkaroon din ng masining na pag-ukit sa kahoy ng bakya at pagpipinta ng disenyo sa katad o telang kaluban ng paa.


May panahon na isinusuot ito ng kababaihan kung pista at tanging okasyon.


Ito ang nakasaad sa sentimental na awit na “Ang Bakya Mo Neneng”: Ang bakya mo Neneng, luma at kupas na Ngunit may bakas pa ng luha mo sinta.


Sa pagdating ng makabagong tsinelas at sapatos ay naging sagisag ang bakya ng pagiging probinsiyanong makaluma. Nitong mga taong 1960, nagkaroon pa ito ng higit na masamang kahulugan.


Ginamit ito ng isang direktor sa pelikula, ang Pambansang Alagad ng Sining na si Lamberto Avellana, upang tukuyin ang mga manonood na hindi diumano nakauunawa o walang wastong
pinag-aralan hinggil sa mahusay na pelikula.


Literal pang nakabakya noon ang mga dukhang manonood ng pelikulang Tagalog sa lalawigan.


Sinundan ito ng iba upang kutyain ang “pangkaraniwan,” “probinsiyano,” at “mababang uri.” At marahil, ang ganitong pangyayari ang hindi matanggap ng isang nagsisikap gumunita sa matamis na kahapon ng “Ang Bakyâ Mo Neneng.”


Pinagmulan; Kermit Agbas


Mungkahing Basahin: