Laureano Guevara: Ama ng Industriya ng Sapatos sa Pilipinas
Isinilang siya sa Marikina noong 4 Hulyo 1851 kina Jose Emiterio Guevara at Timotea Marquita San Andres.
Natuto siyang bumasa at sumulat sa kaniyang mga magulang. Nag-aral siya sa Ateneo Municipal de Manila ngunit hindi nakapagtapos dahil pinilì niyang tulungan ang ama sa kanilang mga negosyo sa sariling tindahang La Industrial sa Escolta, Maynila.
Ikinasal siya kay Eusebia Mendoza. Isa sa walo niyang anak ang tanging nabuhay.
Sinasabing nag-alala siya sa mga kabataan ng kaniyang bayan na hindi nakaaalam ng mainam na pagkakakitahan. Napansin din niya na tanging mayayaman lamang ang may kakayahang bumili ng mga sapatos kaya naisip niyang gumawa ng mga sapatos na kayang bilhin ng karaniwang mamamayan.
Ang mga magsasapatos ng Maynila ay nag-alinlangang turuan siya ng paraan ng paggawa ng sapatos. Sinubukan niyang baklasin at pag-aralan ang isang pares ng sapatos sa tulong ng isang magsasapatos na si Tiburcio Eustaquio. Ibinenta niya ang unang pares na nagawa sa paroko ng Marikina na si Padre Jose Zamora na nagbayad ng dalawang piso at singkuwenta sentimos para dito.
Nagbukas siya ng sariling tindahan ng sapatos noong 1881 at ipinakilala ang paggawa ng sapatos sa Marikina. Ginamit niya ang kanang bahagi ng entresuwelo ng bahay bilang pagawaan sandalyas, botitos, media-entrada, at tuscamas. Nagsimula din siya ng negosyo sa pagboborda sa kabilang bahagi naman ng entresuwelo.
Sa tulong ni Padre Zamora na siyang gumagawa ng disenyo, tinipon niya ang kababaihan upang magborda sa kanilang libreng oras. Nang yumabong ang kaniyang negosyo, ang mga manggagawa niyang gaya nina Tiburcio Eustaquio at Tiburcio Santa Ines ay nagtayo rin ng sarili nilang sapatusan.
Bukod sa pagiging negosyante, naglingkod din siya bilang capitan municipal ng Marikina. Nang siya ay pumanaw, mayroon nang 15 sapatusan sa Marikina. Ipinagtayo siya ng monumento ng Marika Shoes Producers Association, Inc. noong 1954. Isa namang pananda ang itinayo sa kaniyang lugar ng kapanganakan bilang pagpaparangal sa kaniyang pagiging pangunahing manggagawa ng sapatos sa Marikina.
Pinagmulan: NCCA Official | Flickr
Mungkahing Basahin:
No Comment to " Laureano Guevara: Ama ng Industriya ng Sapatos sa Pilipinas "